DAHIL sa napipintong pagreretiro ng ilang Commission on elections (Comelec) Commissioner, matunog subalit makabuluhan ang sigaw ng mismong mga tauhan ng naturang tanggapan: Mas gusto namin ang tagaloob. Nangangahulugan na inaalmahan nila ang paghirang ng Komisyoner mula sa labas ng Comelec; higit nilang nanaisin na makatrabaho ang dati nilang kasamahan na maraming taon nang nakatuwang sa maayos na pamamalakad ng naturang constitutional body.

Sa pag-alma ng mga kawani ng Comelec, kailangan lamang tiyakin na ang papalit na commissioner ay karapat-dapat at angkop ang mga kuwalipikasyong hinihingi ng naturang posisyon; hindi magiging pabigat at lalong makadidiskaril sa marangal na pamamahala. Ang ganitong sistema, kung sabagay, ay hindi miminsang naganap sa Comelec nang hirangin ang isang commissioner na nagmula sa kanilang hanay.

Gayunman, tanggapin natin na masyadong maselan at nangangailangan ng natatanging kuwalipikasyon ang isang commissioner; hindi lamang isang law practicioner kundi isang lingkod ng bayan na nag-aangkin ng walang bahid na katapatan at integridad. At hindi isang political accomodation na kaalyado ng nanunungkulang administrasyon. Malimit kaysa hindi, ang ganitong sistema ang nagiging ugat ng pagkadiskaril ng pamamalakad sa Comelec.

Ang sigaw ng mga tauhan ng Comelec ay marapat ding pamarisan ng iba pang tanggapan ng gobyerno – at maging ng iba pang pribadong sektor. Hangga’t maaari, kailangang magmula sa kanilang hanay ang mamumuno sa kanila.

DepEd, isinusulong ang kahalagahan ng rights-based education

Kung hindi ako nagkakamali, inaalmahan na rin ng mga kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang gayong sistema ng paghirang sa mga political ambassador. Nagkaroon ng kaliwa’t kanang pagtatalaga ng mga retiradong heneral sa iba’t ibang diplomatic post sa ibang bansa. Iminatuwid nila na kailangang unang hirangin sa gayong posisyon ang mga foreign service officers na talagang dalubhasa sa pakikipag-ugnayang panlabas. Sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, ang ganitong sistema na paghirang sa mga opisyal ay iwasan sapagkat ito ang tiyak na pinag-uugatan ng demoralisasyon sa pamamalakad at sa mismong mga kawani.