Tumuntong ang PLDT Telpad sa kanilang ikatlong sunod na kampeonato at itala ang kabuuang ika-17 panalo matapos na biguin sa semifinals ang Maybank sa loob ng tatlong set, 25-19, 25-21, 25-21 sa men’s division ng 2014 Philippine Super Liga Grand Prix na iprinisinta ng Asics.

Nagtulung-tulong ang 11 iba pang miyembro ng Air Force, na hindi ginamit ang pangunahin nilang anim na manlalaro, sa laban bilang reserba sa matira-matibay na kampeonato upang magaan na biguin ang Maybank.

Umiskor si John Paul Torres ng kabuuang 12 puntos habang may tig-6 sina Ronjay Galang, Jayson Ramos, Kheeno Franco, Henry James Pacana at reigning men’s MVP Alnakran Abdilla upang magbalik sa salpukan para sa titulo ng pangunahing interclub volleyball tournament sa bansa na inorganisa ng Sports Core.

Habang sinusulat ito ay kasalukuyang nagsasagupa naman sa Muntinlupa Sports Complex ang Mane ‘N Tail kontra Petron at ang Generika kontra sa RC Cola sa women’s division, habang mag-aagawan naman para sa inaasam na pagtuntong sa kampeonato ang Cignal at Cavite sa ikalawang semifinals ng men’s division.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Matatandaan na una nang itinala ng PLDT Telpad ang ilang rekord sa ginaganap na 2014 Philippine Super Liga Grand Prix matapos biguin ang Bench Systema sa loob ng apat na set, 25-19, 26-28, 33-31, 25-18 noong Huwebes ng gabi sa eliminasyon ng men’s division sa Cuneta Astrodome.

Hindi lamang kinulekta ng Air Force ang ika-13 dikit nilang panalo sa liga mula pa noong All-Filipino Conference kundi itinala nila ang pinakamatagal na laban sa liga na inabot ng 1 oras at 46 na minuto.

Ang pinagsamang iskor ng PLDT at Bench Systema na 33 at 31 sa ikaapat na set ang pinakamataas din na inabot ng nagsagupang koponan maliban pa sa itinarak nila na pinakamatagal na labanan sa loob ng isang set.

Tuluyan naman napatalsik ang Bench Systema na nalasap ang ikaapat nilang sunod na kabiguan.