Ikalawang panalo ang hangad ng apat na koponan habang una naman sa dalawang iba pang kalahok sa pagpapatuloy ngayon ng 2nd PSC Chairman’s Cup Baseball Classic sa Rizal Memorial Baseball Diamond.

Sasabak sa ganap na alas-7:00 ng umaga ang Bulacan State University (BSU) kontra sa nagpapakitang gilas na International Little League of Manila (ILLAM) bago ang salpukan ng Ateneo De Manila–Juniors at Adamson University (AdU) sa ganap na alas-10:00 ng umaga.

Magkikita naman sa ganap na ala-1:00 ng hapon ang Rizal Technoligical University (RTU) at ang Ateneo De Manila–Seniors.

Asam ng BSU (0-1) na masungkit ang unang panalo matapos ang nakadidismayang kabiguan sa Adamson, 4-5, habang pilit na babangon ang ILLAM (1-1) sa nalasap na pagkatalo sa National University (NU), 4-9. Unang nagwagi ang ILLAM kontra sa ADMU-Jrs, 10-9.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pilit din babangon sa kabiguan ang Adamson (1-1), na natamo ang 8-9 pagkatalo sa huling laro sa University of the Philippines (UP), sa pakikipagharap sa ADMU-Jrs (1-1) na ginagamit ang torneo bilang paghahanda sa pagsabak sa nalalapit na pagbubukas ng UAAP baseball season.

Kapwa tatangkain ng RTU (1-1) at ADMU Seniors (1-1) ang ikalawang panalo sa paghaharap sa single round ng eliminasyon. Huling nabigo ang RTU sa Unicorns, 1-11, habang dinurog ng ADMU Srs ang Bulacan Agricultural State College, 22-3.

Ang torneo na itinataguyod ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Ricardo Garcia ay upang mabigyan ng lokal na torneo ang mga manlalaro ng baseball sa bansa habang bahagi na rin sa isinasagawang pagpili sa pambansang koponan na isasabak sa internasyonal na torneo.