LINGAYEN, Pangasinan- Sapat na para sa Team Pangasinan ang nakamit na 3rd place finish sa katatapos na 2014 Batang Pinoy Luzon Qualifying leg na ginanap sa Naga City noong Nobyembre 11-15.
Humigit-kumulang sa 165 nagpartisipang local government units (LGUs) sa Luzon, ang Team Pangasinan na pinangunahan ni Governor Amado T. Espino Jr. ay kumubra ng 30 gold, 24 silver at 42 bronze medals sa likuran ng overall champ na Quezon City (48-36-31) at pumangalawang Baguio City (38-32-35).
Nasa 308 athletes ang sinanay ng probinsiya ng Pangasinan at sinuportahan ng provincial government kung saan ay may 62 coaches at 12 delegation officials ang bumubuo sa Team Pangasinan.
Ang top five LGUs sa Batang Pinoy Luzon Qualifying leg ngayong taon ay ang Quezon City, Baguio City, Team Pangasinan, Muntinlupa City at ang Laguna.
Ang tagumpay ng Team Pangasinan ay nagsimula sa pagsasagawa ng province-wide elimination games sa utos na rin ni Governor Espino upang salain ang mga pinakamagagaling na atleta na isasabak sa Batang Pinoy.
“Intensive training conducted for weeks before the competition also condition young Pangasinense athletes before they compete in sporting events,” pahayag ng sports coordinator ng Pangasinan. - Liezle Basa Iñigo