Mga laro ngayon (Araneta Coliseum):

4:15pm -- Blackwater vs. Purefoods

7pm -- Talk ‘N Text vs. Globalport

Makapagtala ng unang back-to-back win ang tatangkain ng defending at reigning grandslam champion Purefoods sa kanilang pagsagupa sa wala pa ring panalong Blackwater sa pambungad na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2015 PBA Philippine Cup eliminations sa Smart Araneta Coliseum.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Target ng Star Hotshots na masundan ang kanilang huling panalo (92-76) na naiposte noong nakaraang Nobyembre 14 kontra baguhang NLEX para umangat sa ikalimang posisyon na kinaluluklukan ngayon ng Meralco at Globalport na kapwa may patas na barahang 3-3, panalo-talo, isang panalo ang angat sa una na may barahang 2-3.

Sa pamumuno ni Peter June Simon na nagposte ng 20 puntos, naipakita ng Star Hotshots ang dating porma at laro na siyang naghatid sa kanila sa makasaysayang grandslam championships.

Kaya naman umaasa si coach Tim Cone na magagawa itong ipagpatuloy ng kanyang players sa mga susunod nilang mga laban.

Bukod kay Simon, nagtala din ng 20 puntos si James Yap, limang araw makaraan ang kanyang napakababang 2-of-14 field goal shooting sa kanilang naging pagkatalo sa Barangay Ginebra Kings habang nag-ambag naman si Joe Devance ng 19 puntos 5 rebounds at 2 steals.

Sa kabilang dako, lumalalim naman ang pagkakabaon ng Elite matapos ang anim na sunod na kabiguan, pinakahuli sa kamay ng Alaska sa iskor na 56-69.

Kaya naman inaasahan na ibubuhos na lahat ngayon ng koponan ang kanilang makakayanan upang makaahon at makaiwas sa ikapitong dikit na kabiguan.

Samantala sa tampok na laro, makatabla naman sa ikatlong puwesto na okupado ngayon ng Rain or Shine at Barangay Ginebra ang target ng Talk ‘N Text sa kanilang pagsalang kontra Globalport na pilit namang kakalas sa ikalimang puwesto kung saan kabuhol nito ang Meralco.

Ganap na ika-7 ngayong gabi, tatargetin ng tropa ni coach Jong Uichico ang kanilang ika-apat na sunod at panglim ang pangkalahatang panalo upang makapantay ng Kings at Elasto Painters sa third spot hawak ang barahang 5-2.

Huling tinalo ng Tropang Texters ang Bolts, 90-72, kung saan sinandigan nito ang kanilang depensa upang maitakas ang panalo.

Sa kabilang dako, magkukumahog naman ang Batang Pier na makabalik sa win column kasunod ng huling pagkabigo na nalasap sa kamay ng Rain or Shine, 83-86, noong nakaraang Nobyembre 12.