Makamit ang ikalawang sunod na panalo ang tatangkain ng nagdedepensang kampeon na University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) sa men’s at women’s division sa kanilang pagsagupa sa Mapua sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 90 volleyball tournament ngayon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Maagang masasalang ang Altas na naghahangad ng kanilang ika-49 na sunod na panalo matapos pataubin ang season host Jose Rizal, 25-19, 25-14, 25-20, sa una nilang laro.
Bagamat itinalaga ang Emilio Aguinaldo College (EAC) at College of St. Benilde (CSB) bilang pinakamatinding katunggali para sa titulo, naniniwala si coach Sammy Acaylar na hindi rin puwedeng balewalain ang iba pang kalahok na koponan.
“Siyempre kailangan din bantayan at paghandaan ‘yung ibang teams,” pahayag ni Acaylar na umaming nasa 80 porsiyento lamang ang kanyang koponan sa kasalukuyan kumpara sa kanyang nagkampeong koponan noong nakaraang taon.
“Mahigit kalahati kasi puro ngayon lang nagkakaroon ng exposure, halos lahat galing sa reserve last year,” ayon pa kay Acaylar na hangad na maibigay sa Altas ang ikalimang dikit nilang titulo sa liga.
Sa panig naman ng Cardinals, tatangkain nilang bumangon mula sa natamong 5-sets na pagkabigo sa kamay ng Arellano University (AU).
Sa kababaihan, target din ng Lady Altas ang ikalawang sunod na panalo sa kanilang pagsagupa sa Lady Cardinals na nagtamo naman ng straight sets na pagkatalo sa kamay ng Lady Chiefs.
Sa iba pang laban, mag-uunahan namang makapagtala ng ikalawang tagumpay ang CSB Lady Blazers at ang Emilio Aguinaldo College (EAC) Lady Generals sa pagtutuos nila sa ikalawang women’s match habang mag-uunahan ding makabasag sa win column ang Letran Lady Knights at Jose Rizal University (JRU) Lady Bombers sa ikatlong laro sa women’s division.
Wala ring pinagkaiba ang sitwasyon ng kanilang men’s team na unang sasabak bago ang nasabing women’s matches.