Si Miguel C. Rivilla pa rin ang alkalde ng Paniqui, Tarlac.
Ito ay makaraang ideklara ng Commission on Elections (Comelec) First Division na null and void ang utos ni Regional Trial Court Judge Agapito Laoagan sa electoral protest na inihain ni Rommel David laban kay Rivilla.
Si David ang kandidato ng Nationalist People’s Coalition para alkalde ng Paniqui sa eleksiyon noong 2013.
Una nang pinawalang-bisa ni Laoagan ang 70 porsiyento ng mga boto para kay Rivilla na binilang ng PCOS machine at inatasan siyang bumaba sa puwesto.
Ngunit sa isang resolusyon, idineklara ng First Division na final at executory ang naunang desisyon ni RTC Judge Serafin Cruz na nagbasura sa protesta laban kay Rivilla.
Binigyang-diin ng komisyon na ang utos ni Cruz na nagbabasura sa protesta ni David ay pinal na kaya wala nang iba pang court proceedings sa usapin ang dapat na mangyari matapos na tanggihan ang unang motion for reconsideration sa kaso.
“Otherwise stated, the trial court after June 26, 2013 was already stripped of jurisdiction to act on the case, more so, amend or modify the Order of Dismissal even on the pretext of giving due process to private respondent,” saad sa resolusyon ng Comelec.
“In the case at bar, respondent judge gravely abused his discretion when he modified an immutable Order of dismissal and acted without jurisdiction when he proceeded to hear the case despite the fact that its dismissal had long been final and executory,” dagdag pa ng komisyon.
Hulyo 25, 2014 nang magpalabas ang Comelec ng temporary restraining order at status quo ante order na nagbabawal kay Laoagan laban sa “performing acts or incidents” na may kaugnayan sa kaso.
Gayunman, noong Agosto 28, 2014 ay inilabas ng hukom ang kanyang desisyon na nagpoproklama kay David bilang alkalde ng Paniqui at makalipas ang isang buwan ay nag-isyu ng special order at pinabababa sa puwesto si Rivilla bilang alkalde. - Leslie Ann G. Aquinong