TULUY-TULOY pa rin ang paghahatid ng excitement at adventure tuwing Sabado ng umaga dahil magbubukas ngayong araw (Nobyembre 15) ang Season 15 ng Tropang Potchi, ang paboritong youth-oriented program ng GMA-7.
Mula sa out-of-town escapades hanggang sa nakatutuwang narrative stories, nakapagbibigay ang Tropang Potchi ng informative TV experience sa mga manonood. Laging handa at excited sa adventures sina Miggy Jimenez, Sabrina Man, Nomer Limatog, Lenlen Frial, Kyle Ocampo, at Miggs “Turks” Cuaderno.
Sa direksiyon ni Louie Ignacio, buong pusong ipinagmamalaki at ipinagpapasalamat ng Tropang Potchi ang maparangalan ng ilang award-giving bodies. Noong Marso, nakamit ng Tropang Potchi ang Outstanding Education Program at Outstanding Education Program Hosts awards sa 5th Golden Screen Awards for TV.
Agad itong nasundan ng pagkilala sa 2014 New York Festivals International TV & Films Awards para sa Children/ Youth Program category. Nakamit ng Tropang Potchi ang Silver World Medal para sa episode na “Talaandig Tribe” na nagpakita ng mga tradisyon at gawi ng Talaandig Tribe ng Bukidnon. At kamakailan, kinilala bilang Best Children and Youth Program ang programa sa na 36th Catholic Mass Media Awards.
Sa patuloy na pagtuklas ng Tropang Potchi sa ganda ng Pilipinas, abangan ngayong Sabado ang pagbisita nina Sab at Kyle sa Danjugan Island sa Visayas dahil ipakikita nila ang natatagong yaman sa nasabing isla. Hindi rin dapat palampasin ang isang sketch na inihanda ng tropa.
Level up na saya at adventure ang dapat abangan sa Season 15 ng Tropang Potchi na mapapanood tuwing Sabado ng umaga bago mag-Sarap Diva sa GMA. (MELL T. NAVARRO)