Itinuturing ng isang arsobispo na pagiging isip-bata ang hindi pagbisita ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Tacloban City sa unang anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda sa Visayas.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz,dapat na nagtungo si PNoy sa Tacloban at ipinakita sa mga nakaligtas na mayroon silang isang ‘ama’ na nagmamalasakit sa kanyang mga ‘anak.’
“That is a childish mentality. He should have gone to Tacloban if only to show the survivors they have a fatherly figure in him who cares about his children,” ani Cruz, sa panayam ng Radyo Veritas. “He should have been there precisely because he is unpopular with the people.”
Sa halip ay pinili ni PNoy na magtungo sa Guiuan, Eastern Samar. Si Guiuan Mayor Christopher Sheen Gonzales ay kaalyado ni Pangulong Aquino habang si Alfred Romualdez, na alkalde ng Tacloban ay pamangkin ni dating First Lady Imelda R. Marcos.
Nilinaw ni PNoy na walang halong pulitika ang kanyang ginawa at ikinatwiran na sa palagay niya ay mas napinsala ng bagyong Yolanda ang Guiuan kumpara sa Tacloban.