CAMP DANGWA, Benguet – Dalawang barangay chairman at pitong iba pa ang dinakip matapos mahulihan ng mga de-kalibreng baril sa ikalawang malawakang search operation ng mga tauhan ng Abra Shield sa mga bayan ng Bangued at Bucay sa Abra.
Nabatid na nasopresa si Mario Santiago Ballo, chairman ng Barangay Agtangao sa Bangued; at apat niyang kabarangay; at si Amado Berras Bides, chairman ng Bgy. Dugong, Bucay, at tatlong residente sa lugar nang salakayin ng Abra Shield noong Nobyembre 12.
Nakumpiska mula kay Ballo ang isang M16 rifle at magazine nito, grenade launcher, mga bala ng M203, bukod pa sa isinuko ang isang .45 caliber Norinco pistol na may pasong lisensiya, at mga bala nito.
Arestado rin ang kabarangay ni Ballo na si Marcelo Castillo Banayos matapos mahulihan ng iba’t ibang baril, magazine at bala, samantala wala naman sa bahay kaya hindi naaresto sina Marlon Regunton, Jimmy Sequerra at Mario Bringas.
Sa Bucay, nasamsam mula sa loob ng bahay ni Bides ang isang rifle at mga magazine nito, at 11 bala ng .22 caliber.
Nakakumpiska rin ang apat na baril mula sa mga bahay nina Perfecto Berroy Pisco, Sherwin Pisco at Resty Pisco. - Rizaldy Comanda