Tiwala si United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco na hindi papayagan ng Senate Blue Ribbon sub-committee na magmistulang “pakialamero” si Pangulong Aquino sa kabila ng panawagan ng huli na tapusin na ang pautay-utay na imbestigasyon ng komite sa Makati City Hall Building 2.
Ayon kay Tiangco, hindi rin kapani-paniwala ang iniulat ng tanggapan ni Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay sa natanggap na death threat sa mambabatas sa pamamagitan ng telepono para lalong madagdagan ang interes ng publiko sa imbestigasyon ng katiwalian sa Makati dahil may mga senador aniyang determinadong gumawa ng “telenovela”.
“Lumang istorya na ‘yan (death threat). Anong susunod? Nakatanggap siya ng love letter galing sa akin?” pahayag ni Tiangco.
Sinabi pa ni Tiangco ang mga kuwento nina Cayetano at Sen. Antonio Trillanes IV ay para lamang tangkaing maging patok sa publiko na mula sa isang fantasy drama patungong action-oriented “Wild Wild West” plot.
Bukod sa Oakwood at Manila Peninsula siege, dati nang iniugnay din si Trillanes sa tangkang pagpapasabog at paglusob sa mga bahay ng sibilyan, ayon kay Tiangco.