CEBU CITY – Nagdesisyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-Region 7, ang wage board sa Central Visayas, na isama na ang P13 na cost of living allowance (COLA) sa suweldo ng mga kumikita ng minimum sa rehiyon.
Ang desisyon ay ginawa ng mga miyembro ng RTWPB 7 anim na buwan makaraang aprubahan ng wage board ang P13 dagdag sa arawang COLA sa halip na desisyunan ang petisyon ng mga labor group para sa dagdag-suweldo.
Ayon kay RTWPB 7 Chairman Exequil Sarcauga, isusumite ang nasabing desisyon sa National Wages and Productivity Commission para sa pinal na pag-apruba at ilalathala sa mga pahayagan bago tuluyang ipatupad.
“We made a unanimous decision. We are hopeful that the decision will be implemented starting December 1, 2014,” ani Sarcauga.
Gayunman, hindi saklaw ng pagkakasama ng P13 sa COLA sa arawang suweldo ang mga manggagawa sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad, kabilang ang mga bayan sa hilagang Cebu at ang buong probinsiya ng Bohol.
Ito, ayon sa RTWPB 7, ay dahil hindi pa nakababawi ang mga negosyo sa nasabing mga lugar. (Mars W. Mosqueda Jr.)