Ni Nestor Abrematea

TANAUAN, Leyte – Walang sama ng loob si Leyte Governor Leopoldo Dominico L. Petilla sa hindi pagbisita ni Pangulong Aquino sa Leyte sa unang anibersaryo ng pananalasa ng super typhoon “Yolanda” kahapon.

Ayon kay Petilla, naiintindihan niya kung bakit hindi na nagpakita ang Pangulo sa kanilang lalawigan dahil nagpunta na ito doon noong Oktubre 20 bilang pangunahing bisita sa 70th Leyte Gulf Landing sa makasaysayang MacArthur Memorial Park.

“Naiintindihan ko ang Pangulo dahil marami siyang trabaho,” pahayag ni Petilla.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa halip na bumisita sa Leyte, binisita ni Aquino ang Guiuan, Eastern Samar, ang lugar kung saan unang tumama si “Yolanda”.

Sinabi ni Petilla na kuntento na sila na inaprubahan ng Pangulo ang budget sa rehabilitasyon para sa mga lugar ng Leyte na matinding hinagupit ng kalamidad.

Aniya, ang pagtungo nina Presidential Adviser on Recovery and Rehabilitation Secretary Panfilo Lacson, Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas, Defense Secretary Voltaire Gazmin at Energy Secretary Carlos Jericho Petilla ay sapat na upang sila ay makumbinsi na tapat si Aquino sa pagtulong para sa Leyteños.

Ikinalungkot din ni Petilla ang ginawang paglusob ng mga makaliwang grupo sa Leyte Provincial Capital Building bagamat wala namang reklamo ang mga residente ng lalawigan sa tulong mula sa national government.