Ginulantang ng International Little League Association of Manila (ILLAM) ang Ateneo De Manila University (ADMU) Juniors sa pagsisimula kahapon ng 2nd PSC Chairman’s Baseball Classic sa Rizal Memorial Baseball Diamond.
Ito ay matapos na takasan ng ILLAM na binubuo ng mga batang manlalaro ang beterano sa UAAP na ADMU Juniors, 10-9, sa klasikong unang laban ng torneo na umabot sa matira-matibay na 10th innings.
Sinandigan ng ILLAM ang winning run ni Diego Lozano matapos ang naging sacrifice fly ni Rafael Pascual sa extra inning upang kumpletuhin nito ang pagbalikwas sa laban matapos na unang mapag-iwanan ng kalaban.
Naitala ng ILLAM ang 6-3 abante matapos itong pumalo ng apat na runs sa 2nd inning at dalawang runs sa 6th inning kung saan ay nakagawa rin ang Ateneo ng tatlong runs. Gayunman, humataw ang Ateneo Juniors ng anim na runs sa 8th inning habang mayroong isa ang ILLAM para itala ang 9-7 abante.
Nagkaroon naman ng tsansa ang ILLAM na maitakas ang panalo sa regulasyon sa 9th inning matapos na itala ang dalawang runs habang may isa pa itong batter at runner sa 1st at 3rd base na nagtabla sa iskor na 9 subalit binigo ito ng pitcher ng Ateneo.
Samantala, ipinagpaliban naman ng host Pilipinas ang internasyonal na torneo na East Asia Cup na dapat sana’y gaganapin ngayong Disyembre tungo sa Marso 2015.
Napag-alaman kay 2nd PSC Chairman’s Cup technical director Randy Dizer na umaasa ang mga stakeholder na tuluyan nang mabuo ang liderato ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) sa Disyembre upang maitulak nito ang mga pagbabago sa naturang sports.
“We are the host of the East Asia Cup this year and it will be a big loss kung hindi natin maisasagawa ang torneo dahil nakataya in that meet ang kailangang puntos upang makuwalipika tayo sa World Baseball Classic,” sinabi ni Dizer.