Sinampahan ng kasong obstruction of justice ang isang alkalde at isang municipal administrator dahil sa pagsalvage ng pitong pulis sa tatlong lalaki sa Aurora, Isabela.

Kinasuhan sina Aurora Mayor William Uy at si Municipal Administrator Edna Salvador kasama ang may-ari ng lupa sa Bagong Tanza, Aurora, Isabela kung saan ibinaon ang bangkay ng tatlong lalaki mula sa Pinukpok, Kalinga.

Ang kaso ay isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ) matapos kasuhan ng carnapping at multiple murder ang pitong pulis kaugnay ng nasabing krimen.

Kinilala ang mga suspek na sina S/Insp. Sherwin Concha, dating hepe ng Aurora Police Station, P/Insp. Rey Lopez, SPO1 Randolph Cauan, SPO3 Julian Obrero III, PO2 Alex Abalos, PO2 Jose Soliven II at PO2 Eduardo Apan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang biktimang sina Gabriel Ternio, 29; Noel Teod, 18, at Johnny Bangit, 19, at nawala noong Mayo 3, at natagpuan ang kanilang mga nakabaon na bangkay noong Hunyo 2, na may tama ng bala ng baril ang mga katawan at inihiwalay ang ulo.

Sinabi ni Gng. Aster Mamauag Caruso, na kinasuhan ng obstruction of justice sina Mayor Uy at Salvador dahil sa umano’y paghimok sa ilang testigo na huwag magbigay ng pahayag.

Nawawala naman simula noong Oktubre 9, ang star witness na si Alexander Fernandez na nagturo sa lugar kung saan ibinaon ang tatlong biktima.