Ni CZARINA NICOLE ONG
Todo-depensa si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas hinggil sa ulat na umabot sa P1.1 bilyon ang unliquidated cash advance ng ahensiya.
“Dapat maintindihan natin na ang liquidation ay isang mahabang proseso at ang DILG ay isang malaking bureaucracy,” paliwanag ni Roxas.
Ayon kay Roxas, kabilang sa mga ahensiyang nasa ilalim ng DILG ay National Police Commission (Napolcom), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Local Government Agency (LGA), at Philippine Public Safety College (PPSC).
Hanggang Disyembre 13, 2013, ang balanse ng department ay P11,846,602.62, ayon sa ulat ng DILG.
Lumitaw sa updated status ng cash advance na may balanseng P3,788,133.32 habang na-liquidate na o nabayaran na ng mga opisyal at empleyado ng department ang P8,058,469.32.
Ayon sa ulat, ang unliquidated cash advance ng PNP hanggang Disyembre 31, 2013 ay umabot sa P1,184,741.29 – P11,614,215.68 bilang payroll fund at P1,069,127,633.61 bilang cash advance ng mga opisyal.
Ang bulto ng P1.06 bilyon na nagkakahalaga ng P865,715,420 ay inilaan sa Intelligence fund ng mga PNP officer mula Fiscal Year 2011, 2012 at 2013 at nai-liquidate na at naghihintay na lamang ng Credit of Notice mula sa Commission on Audit (CoA)-Central Office.
“Pinapahalagahan namin ang vigilance ng mga tao at katapatan ng CoA na gampanan ang mandato nito,” ayon kay Roxas,” subalit sinisiguro lamang ng DILG na ina-update nito (ang pondo) kaugnay sa isinusulong na transparency at accountability ng gobyerno.”