Arestado ang isang lalaking itinuturong nangholdap at nakapatay sa isang 26 anyos na babaeng pasahero na nahulog sa humaharurot na jeepney nang pilitin ng suspek na agawin ang bag nito sa Sta. Cruz, Manila kamakalawa.

Kinilala ang naarestong suspek na si Winifredo Verona, miyembro ng Commando Gang, at dati na ring nabilanggo sa kasong robbery-hold up.

Si Verona ang itinuturong suspek sa pagkamatay ng biktimang si Carla Jane Bognot, 26, at isang computer science graduate.

Bagamat mariin ang pagtanggi ni Verona na siya ang nangholdap at nakapatay kay Bognot, positibo naman siyang kinilala ng saksi na si Sarah Baisa, kaibigan at kasama ni Bognot nang maganap ang krimen.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente dakong 2:00 ng madaling araw ng Sabado sa Masangkay St. kanto ng Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz, Manila habang sakay ng isang pampasaherong jeepney na may biyaheng Punta-Divisoria ang biktima, kasama si Baisa at isang Bessy Siobal.

Pauwi na ang tatlo sakay ng isang jeepney nang sumabit sa sasakyan ang suspek na armado ng ice pick at biglang inagaw ang bag ni Bognot, na nakasabit sa kanyang leeg, pagsapit ng Claro M. Recto.

Nag-agawan umano sa bag si Verona at Bognot hanggang sa mahulog ang una mula sa jeepney at tumama ang ulo nito sa kalsada.