Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

2 p.m. – IEM vs Systema (men’s finals)

-- Awards rites

4 p.m. – Army vs Cagayan (women’s finals)

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Bagamat nagawa nilang walisin ang kanilang makakatunggaling Systema Tooth and Gum Care sa nakaraang eliminasyon, ayaw pa ring magkumpiyansa ng Instituto Estetico Manila sa muli nilang pagtutuos ngayon sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference final showdown sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-2:00 ng hapon lalarga ang best-of-three sa men’s finals sa torneong itinataguyod ng Shakey’s.

Ayon kay Volley Masters coach Ernesto Balubar, kinakailngan nilang mas maging matatag sa kanilang reception at net defense kontra sa Active Smashers at paghandaan ang inaasahan nilang pagbawi ng kalaban sa Game One ng kanilang duwelo sa finals.

“Magkakatalo na lamang kung sino ang makakapag-handle nang maayos na pressure sa finals at kung sino ang makakatanggap ng maayos at makalalaro ng defense,” pahayag ni Balubar.

Sa kababaihan, sisimulan ng Philippine Army at ng Cagayan Valley ang sarili nilang serye sa kampeonato sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Una rito, gaganapin ang awards rites matapos ang Game One sa men’s finals kung saan ay pararangalan ang top performers ng conference, kabilang na ang Most Valuable Players ng magkabilang dibisyon.

Hangad ng Lady Troopers na ipagpatuloy ang dominasyon nila sa Lady Rising Suns na dalawang beses nilang tinalo sa eliminasyon.

Muling sasandigan ng Army ang kanilang dating league MVP’s na sina Nene Bautista, Jean Balse, Rachel Daquis at Jovelyn Gonzaga, katuwang ang kanilang beterana at mahusay na setter at playing assistant coach na si Tina Salak sakaling hindi makalaro ang dalawa pa nilang hitters na sina Dindin Santiago at Mina Aganon dahil sa paglalaro ng mga ito sa kanilang mother team sa Philippine Super Liga na Pteron Blaze.

Inaasahan namang mangunguna para sa Lady Rising Suns ang kanilang Thai imports na sina Saengmuang Patcharee at Hyapha Amphorn, kasama ang local standouts na sina Aiza Maizo, Pau Soriano at Shiela Pineda.