Hangad ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na makuwalipika sa unang pagkakataon sa Olympic Games ang beach volleyball sa paglahok ng apat na koponan sa AVC Beach Volleyball Continental Cup Sub Zonal Qualifying Tour for SEA Zone sa Nobyembre 10-11 sa Bangkok, Thailand.

Sinabi ni PVF president Geoffrey Karl Chan, bago magtungo sa 34th FIVB World Congress sa Milan, Italy, na target ng asosasyon na makapagbigay ng karangalan sa bansa at maitala ang sariling kasaysayan sa pagkuwalipika sa kada apat na taong Olympics na gaganapin sa Rio de Janeiro sa Brazil sa 2016.

Dalawang koponan sa kababaihan at dalawa sa kalalakihan ang magrereprisinta sa bansa sa qualifying tournament na itinakda ng world volleyball governing body na FIVB at Asian region na AVC para sa mga bansa na hindi nakakalahok sa serye ng torneo kung saan nakatipon ng puntos upang awtomatikong makuwalipika sa Olympics.

Ang dalawang koponan sa kababaihan ay binubuo nina Jovelyn Gonzaga at Nerissa Bautista na mula sa Philippine Army E at ang tambalan nina Elaine Casilad ng University of Perpetual Help at Cherry Anne Rondina ng University of Santo Tomas (UST).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang matagal nang magkapareha na sina Jade Picaldo at Eduard Ybanez ng Univeristy of Visayas at tambalan nina Edward Bonono ng Cagayan de Oro at Loujie Tipgos ng Cebu ang sasabak sa men’s division sa torneo na gaganapin sa Valaya Alongkorn Rajabhat University, Prathumthani Province, may 60 km ang layo sa Bangkok Airport.

Huling nagtangka ang Pilipinas na makuwalipika sa beach volley sa Olympics noong 2005 mula kina Fil-Americans Diane Pascua at Heidi Ilustre.

Nabigo ang dalawa ngunit nakapag-uwi ng tansong medalya noong 2005 Southeast Asian Games na ginanap sa Bacolod City.

Malaki ang tsansa ng Pilipinas na makatuntong sa unang pagkakaton sa Olimpiada kung saan ay aangat ang tatlong mangungunang koponan para iprisinta ang rehiyon ng Southeast Asia sa 2016 Rio de Janiero, Brazil Summer Olympics.

Makasasagupa ng Pilipinas ang iba pang kalahok na mula sa Southeastern Zone na Malaysia, Indonesia, Singapore, Thailand, Vietnam at Laos.

Kabilang naman sa Central Zone ang India, Sri Lanka, Maldives, Iran, Kazakhstan at Pakistan habang sa Eastern Zone ang China, Hong Kong, Korea, Japan, Chinese Taipei at Macau.

Magkakasama sa Western Zone ang Oman, Yemen, Saudi Arabia, Lebanon, UAE, Kuwait, Qatar, Bahrain at Syria.

Kabilang sa bansang kasalo sa Oceania Zone ang Northern Marianna, Guam, Papua New Guinea, Australia, Fiji, Tuvalu, Solomon Islands, Vanuatu, American Samoa, Samoa, Cook Islands, New Zealand at Tonga.

Ang Continental Beach Volleyball Cup ay itinakda bilang Olympic qualifying event para sa isang kontinente sa loob ng dalawang taon na hinati-hati sa subzone, zone at continental finals. Ang magwawagi ay makukuwalipika sa 2016 Olympic Games.

Ang Sub-zonal tournament ay isasagawa sa limang zone ng AVC, na binubuo ng Eastern Zone, Southeastern Zone, Central Zone, Western Zone at Oceania. Ang Eastern, Southeastern, Central at Western ay may dalawang sub-zonal tournaments habang ang Oceania ay may tatlo.

Dahil naman sa “religious differences” sa ibang bansa ay tanging ang Eastern, Southeastern at Oceania lamang ang mayroong dalawang “gender event”.

Isasaimplementa ang seeding sa pamamagitan ng AVC National Federation ranking points kung saan ang dalawang pinakamataas na bansa sa kada torneo ang uusad sa susunod na labanan.