Binibigyang-pugay ng sambayanang Pilipino ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong All Saints’ Day, na isang liturgical celebration na nagsisimula sa gabi ng Oktubre 31 at nagtatapos sa Nobyembre 1. Nag-aalay tayo ng mga bulaklak, pagkain, at mga panalangin habang nakasindi ang mga kandila sa mga sementeryo at columbarium sa buong bansa kung saan nagtitipun-tipon ang mga magkakamag-anak at mga kaibigan at sama-samang nananalangin, at kumakain ng kanilang dalang pagkain, at pinagsasaluhan ang masasayang alaala.

Ang Halloween o All Hallows ay isang termino para sa All Saints’ Day. Undas naman ang tawag natin dito o Todo Los Santos o Araw ng mga Patay. Ang pagdaraos ay kahalintulad sa Dia de los Muertos ng Mexico. Para sa mga Katoliko, ito ay isang holy day of obligation, kaya nagsisimba sila at nakikiisa sa mga seremonya na para sa mga patay.

Ang mga ahensiya ng gobyerno, katuwang ang mga pribadong grupo at mga indibiduwal, ay tumutulong upang matiyak na matiwasay at maayos ang tradisyunal na okasyong ito. Pinakikilos ng Department of Transportation and Communications ang kanilang “Lakbay Alalay” upang matiyak na maayos ang mga lansangan at mga highway para sa ligtas at maginhawang paglalakbay, habang nakaantabay naman ang mga tauhan ng Department of Health sa ilang lugar. Pinaigting naman ng Philippine National Police at ng Metro Manila Development Authority ang seguridad sa mga sementeryo, mga bus terminal, paliparan at mga daungan. Nakaalerto naman ang Bureau of Fire Protection upang tiyaking ligtas ang buhay at mga ari-arian.

Sa teolohiyang Katoliko, ginugunita ng araw na ito yaong nagtamo ng kabanalan. Sa New Zealand, nagtatayo ng mga altar ang mga Katoliko upang dalanginan, mag-vigil, magsindi ng mga kandila, at mag-alay ng mga bulaklak bilang parangal sa mga Kristiyanong martir. Lisbon, Portugal, ginugunita ng mga bata ang Papor-Deus, at nagbabahay-bahay upang humingi ng pagkain; inaabutan sila ng mga cakes, nuts, at pomegranates. Sa France, pinararangalan sa lahat ng simbahan ang mga santo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang unang All Saints’ Day ay idinaos noong Mayo 13, 609 nang tanggapin ni Pope Boniface IV ang Pantheon sa Rome bilang handog mula kay Emperor Phocas. Inilaan niya ang araw bilang parangal kay Mahal na Birheng Maria at sa lahat ng martir. Sa paghahari ni Pope Gregory III, inilipat ang festival sa Nobyembre 1 at isinama ang pagpaparangal sa lahat ng santo. Inialay niya ang isang kapilya para sa lahat ng martir sa St. Peter’s Basilica.