Unti-unti nang naglalagablab ang mga laban sa 2014 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix na iprinisinta ng Asics matapos ang itinalang panalo ng Petron Blaze at Mane ‘N Tail sa women’s division, gayundin ang nagtatanggol na kampeon na PDLT Telpad Air Force sa Cuneta Astrodome.

Ipinakita ng Petron Blaze ang hangaring maiuwi ang titulo makaraang isukbit ang ikatlong sunod na panalo kontra sa walang talong Cignal HD Spikers, 25-17, 25-20, 25-23, sa laban na tumagal ng 1 oras at 22 minuto.

Sinandigan ng Blaze Spikers ang kinatatakutan sa koponan na quick attack, tampok ang matatangkad na sina Dindin Santiago at dating Miss Oregon USA na si Alaina Bergsma upang kontrahin ang atake ng HD Spikers na tanging nagawa lamang na makadikit sa isang puntos sa loob ng tatlong set.

Pinamunuan ni Bergsma ang Blaze Spikers sa tinipon na 23 puntos, ang 20 ay mula sa matutulis na atake, habang may 14 naman si Santiago.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagtala naman ng bagong rekord ang import ng Mane ‘N Tail na si Kristy Jaeckel na tila bulkang sumabog para itulak ang Lady Stallions sa maigting na 25-22, 17-25, 22-25, 25-18, 15-6 panalo kontra sa Foton Tornadoes.

Ipinamalas ni Jaeckel kung bakit siya kinukonsidera bilang most dominant import sa liga sa pagtala nito sa league-record high na 40 puntos upang ibigay sa Lady Stallions ang unang panalo sa loob ng tatlong laro sa interclub tournament na inorganisa ng SportsCore kasama ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Ang 6-foot-2 at dating star sa University of Florida sa Division I ng US NCAA na si Jaeckel ay tumapos na may 32 kills, 4 blocks at 4 service aces sa pagpapakita ng impresibong skills, technique at lakas maliban pa sa angking ganda at all-around brilliance na paglalaro na nakita sa volleyball circuit.

Unang nagtala si Jaeckel ng 31 puntos sa opening game kontra sa Cignal at 37 puntos kontra sa Petron sa ikalawang out-of-town game ng liga sa Ilocos Sur upang itala ang average na 36 puntos sa tatlong laro.

“What I achieved today was just a reflection of my team,” sinabi ni Jaeckel. “In volleyball, you can’t score too many points if you don’t have the support of your teammates. It was a total team effort. Everybody is getting better, especially our setter and libero. This could be the start of something good.”

Nagposte naman ang kapares ni Jaeckel na si Kaylee Manns ng 7 hits para sa kabuuang 11 puntos.

“We were too relaxed in the first three sets,” sinabi ni Mane ‘N Tail coach Francis Vicente. “They knew that they played well in their first two games that’s why they entered this game full of confidence. Finally, they woke up in the fifth set. I was impressed. That’s how I expect this team to play.”

Ikinasa naman si Irina Tarasova para sa Foton ang kabuuang 29 puntos habang si Elena Tarasova ay nagdagdag ng 15 puntos para sa Tornadoes na nahulog sa ikalawang sunod na kabiguan.

Samantala, ipinagpatuloy naman ng PLDT Telpad-Air Force Turbo Boosters ang matinding kampanya matapos biguin ang Fourbees Cavite Patriots, 30-28, 25-12, 25-17 sa men’s division.