Naaresto ng mga tropa ng pamahalaan ang umano’y kanang kamay ng napaslang na lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Abdujarak Janjalani nang salakayin ang pinagtataguan nito sa Lamitan City sa Basilan kahapon ng madaling araw.
ayon kay Senior Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), matagal nang pinaghahanap ng awtoridad si Nasser Usman dahil sa pagkakasangkot nito sa serye ng kidnapping simula pa noong dekada 90.
“Si Usman ay isang ASG subleader para sa Islamic propagation and indoctrination na kumikilos sa Basilan noong panahon ni ASG founder Ustadz Abdujarak Janjalani,” pahayag ni Mayor.
Hindi na nakapalag si Usman nang arestuhin ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar na sumalakay sa kanyang pinagkukutaan sa Barangay Tandung Ahas dakong 1:00 ng madaling araw.
Sinabi ni Mayor na si Usman ay sangkot sa madugong pagsalakay sa Ipil, Zamboanga del Sur noong 1995 kung saan umabot sa 53 katao ang napatay. (Aaron Recuenco)