Ni HANNAH L. TORREGOZA

Hindi pa rin natitinag si Senate Majority leader Alan Peter Cayetano sa kanyang planong pagtakbo sa presidential derby sa May 2016 elections sa kabila ng mababang rating nito sa iba’t ibang survey.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Pangarap ko pa din ‘yun but with the present numbers, as I said, who will run if mababa ka sa survey?” pahayag ni Cayetano sa panayam sa telebisyon.

Aminado si Cayetano na may negatibong epekto ang kanyang partisipasyon sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee sa umano’y katiwalian na kinasasangkutan ni Vice President Jejomar Binay sa kanyang pagtakbo sa pampanguluhan.

“I want to run because I want to change the country, but why would I duck changing the country now with this investigation just for a chance to become president?” tanong ng senador.

“Now if people would see tama yung ginagawa ko, tama yung mga accusations ko against Binay and tumaas yung numbers ko, then I will take a step of faith. I’m not saying I’m not fixated pa rin,” dagdag pa ni Cayetano.

Subalit ngayon, patuloy ang pagdarasal ni Cayetano at kanyang maybahay na si Taguig City Mayor Lani Cayetano na mabiyayaan ng anak.

Aniya, posible silang sumailalim sa medical procedure sa Disyembre o Enero sa kanilang pagnanais na magka-anak.

Tiniyak ni Cayetano na hindi niya tatantanan si Binay kahit pa ang kapalit nito ay kanyang tsansang mahalalan bilang susunod na pangulo ng bansa.