Tatlong produkto ng MILO Little Olympics na miyembro na ngayon ng national pool at isang papaangat na swimmer mula sa Visayas na kabilang sa napiling 50 mahuhusay na atleta ang tinanghal na back-to-back Most Outstanding Athlete sa pagtatapos ng ikalimang National Finals ng torneo sa Marikina Sports and Freedom Park sa Marikina City.

Ang tatlong miyembro ng national pool ay sina John Ivan Cruz at Arielle Nichole Orella sa boys at girls gymnastics at si Justine Dorog sa girls volleyball na pawang nasa sekondarya habang muling nagpakitang husay si Psalm Deniel Aquino sa elementary boys swimming upang pangunahan ang 46 na iba pang napiling pinakamahusay na atleta.

Nagawang manguna ng 15-anyos at estudyante sa Araullo High School na si Cruz sa individual all around matapos makatipon ng kabuuang 25.10 puntos mula sa ikalawang puwesto sa floor exercise (13.20 puntos) at horse vault (11.90) upang muling angkinin ang gintong medalya sa secondary men’s artistic gymnastics.

Winalis naman ng 14-anyos at estudyante sa Jose Abad Santos High School na si Orella ang limang event na ball, ribbon, clubs at hoop tungo sa pagwawagi sa individual all-around sa secondary rhythmic gymnastics upang muling makabilang sa tatanggap ng scholarship at produkto sa buong taon sa nagoorganisang Nestle Philippines Inc.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Dito po talaga ako sa MILO Little Olympics nagsimula noong elementary pa lang po ako. Noong una po ay lagi ako talo pero hindi ako sumuko hanggang sa nanalo ako at nakasama sa 2013 Most Outstanding Athlete. Masayang-masaya po kasi malaking tulong ang scholarship at suporta na natatanggap namin mula sa MILO,” sabi ni Cruz na kabilang sa national pool ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP).

Aminado naman si Orella na kanyang nahubog at natutunan ang de-kalidad na mga presentasyon sa torneo upang maging miyembro ng pambansang koponan at makasama ni Cruz na irepresenta ang bansa sa pagdalo nito sa iba’t-ibang training camp sa labas ng Pilipinas.

“Umiiyak po ako noong elementary pa ako kapag natatalo pero unti-unti ko po natutunan ang mga event sa pagsali ko taon-taon sa regionals hanggang makasama po ako sa national finals. Sana po ay makasama ulit at mapili bilang Most Outstanding Athletes next year,” sabi ni Orella.

Ikinatuwa rin ng 16-anyos at mula Hope Christian High School na si Dorog ang muling pagkakapili bilang MOA na parte sa ika-50 selebrasyon ng nag-oorganisang MILO sa girls volleyball. Si Dorog ay sariwa pa sa paglalaro sa AVC Asian Girls Volleyball Championship sa Thailand kung saan tumapos sa pinakamataas na ikapito ang Pilipinas.

Isa naman si Aquino sa mga swimmer na nakapagwagi ng limang gintong medalya sa pagwawagi nito sa 100m butterfly, 200m Individual medley, 50-m freestyle, 50m butterfly at sa 4x100m freestyle relay upang mapanatili ang insentibo at tulong mula sa MILO sa torneo na suportado ng Wilson, Mikasa, Molten, Butterfly, Marathon, Smart Communications, 2Go Travel at City Government of Marikina at iniendorso din ng Department of Education (DepEd), Philippine Sports Commission (PSC) and Philippine Olympic Committee (POC).