Ilang oras na naabala kahapon ang mga klase sa Cesar E.A. Virata School of Business sa University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City, dahil sa isang bomb threat na kalaunan ay nag-negatibo.

Ayon kay Insp. Noel Sublay, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) District Public Safety Battalion-Explosives Ordnance Division (DPSB-EOD) na nasa Camp Karingal, natanggap ang bomb threat sa isang text message na ipinadala sa chairman ng UP Diliman Student Council bandang 7:50 ng umaga.

Sinabi ni Sublay na ang mensahe ng nagbanta ay: “Magingat sa bomba sa gusaling ‘Virata’. Oras nalang ang binibilang. Walang ligtas estudyante man o guro (sic).”

Ang mensahe, ayon kay Sublay, ay nagmula sa cell phone number na 0906-7677958.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Pansamantalang umalis sa gusali ang mga estudyante at guro habang hinahalughog ng grupo mula sa QCPD-EOD ang lugar bandang 8:55 ng umaga.

Gayunman, nagnegatibo sa bomba ang gusali at idineklarang ligtas dakong 9:35 ng umaga.

Agad din namang ipinagpatuloy ang klase sa UP Cesar E.A. Virata School of Business dahil nakatakda kahapon ang mid-term exams.

Iniimbestigahan pa ang insidente, ayon kay Sublay. (Francis T. Wakefield)