Itinakda ng 28th Southeast Asian Games (SEAG) Team Philippines Management Committee na makuwalipika ang pambansang atleta na makakahablot ng tansong medalya sa susunod na edisyon ng torneo na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 2015.
Ito ang isiniwalat ng isang mataas na opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) matapos ang isinagawang pagpupulong sa national sports associations (NSA’s) para sa paghahanda nila sa kada dalawang taong torneo kung saan huling tumapos ang Pilipinas sa pinakamababang pangkahalatang ikapitong puwesto.
Matatandaan na nagwagi ang Pilipinas ng kabuuang 29 ginto, 34 pilak at 38 tanso para sa kabuuang 101 medalya sa pinakamasaklap nilang kampanya mula ng sumali sa SEA Games.
Una nang nagpadala ang Pilipinas ng kabuuang 133 lalaki at 86 babae para sa kabuuang 219 atleta at 114 opisyales sa ika-27 edisyon ng torneo.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na kinakailangang abutin ng pambansang atleta na nagnanais na makasama sa pambansang delegasyon ang itinakdang criteria na bronze medal standards, partikular sa mga measurable sports.
Posible din na makasama ang isang pambansang atleta kung magagawang makalapit sa bronze medal standard habang malaki din ang posibilidad na makasama ng ibang miyembro ng national pool na maaabot ang itinakdang criteria.
Malalaman na kung sino ang makakasama sa pambansang delegasyon sa 28th Singapore SEA Games sa gaganaping 2015 Philippine National Games kung saan masusubok ang kakayahan ng national athletes kontra sa pinakamagagaling na atletang makukuwalipika sa taunang torneo.
Ito ay matapos na baguhin ng nag-oorganisang Philippine Sports Commission (PSC) ang format ng PNG kung saan ay magsasagawa na ito ng limang qualifying leg sa buong bansa at pagsasamahin ang tatanghaling kampeon upang isama sa pambansang atleta.
Sinuman sa pambansang atleta na mabibigo sa kanilang event ay agad na aalisan ng kanilang natatanggap na buwanang allowance at insentibo sa ahensiya ng gobyerno sa sports.