Bahagyang nagsikip ang trapiko sa ilang bahagi ng Caloocan City dahil sa transport strike ng mga driver ng jeepney, partikular ang mga miyembro ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON).
Pasado 8:00 ng umaga kahapon nang magtipun-tipon sa Monumento sa Caloocan City ang mga tsuper na may hawak na placards, at kinondena ang implementasyon ng Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Transportation and Communications (DoTC), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Alinsunod sa JAO, magmumulta ng hanggang P1 milyon ang mga operator ng kolorum na bus, bukod pa sa ilang pagtataas sa multa ng mga lalabag sa batas-trapiko.
Sinabi ni PISTON Secretary General George San Mateo na pagsikil sa maliliit na jeepney driver ang ginagawa ng gobyerno kung patuloy na ipatutupad ang JAO.
Ipinaliwanag din ni San Mateo na batay sa RA 4136 (Traffic Code), ang anumang pag-amyenda sa batas-trapiko ay dapat na idinudulog sa Kongreso, gayung ang JAO ay isa pang Department Order ng DoTC, LTO at LTFRB.
Aniya pa, dapat na nagkaroon ng public consultation bago ipinatupad ang JAO.
Halos 70 porsiyento ng pamamasada ay naparalisa dahil walang jeep na bumiyahe, kaya naman pahirapan ang pagsakay ng mga pasahero.
Matapos ang ilang oras na programa, nagmartsa ang mga miyembro ng PISTON patungo sa LTO at LTFRB.