NAKAHARAP namin sa unang pagkakataon si Krista Miller sa press preview ng Hukluban, a film directed by Gil Portes na official entry sa Horror Plus Film Festival na magsisimula sa October 29 sa SM Cinemas.

Bida na si Krista sa naturang pelikula, leading man niya ang indie actor na si Kiko Matos.

Nakilala si Krista bilang newbie actress sa pelikulang Alfredo Lim na diumano’y naging mitsa ng hiwalayan nina Cesar Montano at Sunshine Cruz.

Sabi ni Krista, nalungkot siya sa nangyari pero aminado siyang hindi nakatulong sa kanyang career ang intrigang ibinato sa kanya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Oo nga po. Nalungkot. Sabi nga nila, good or bad publicity is still a publicity pero para sa akin, parang hindi tama.

“Sa totoo lang, hindi naman nakatulong sa akin yung bad publicity. Ang tingin pa rin ng tao, mistress ako, homewrecker, ganyan. Ang sakit lang. Hindi nila alam kung ano yung pinagdaanan ko.

“But my conscience is clear. I never had an affair with Cesar,” prangkang sambit niya sa amin.

Dahil sa isyung kinasangkutan, inisip niyang hindi siya para sa showbiz at pinilit niyang maghanap ng ibang trabaho bilang real estate agent.

“’Yun nga po, I was about to give-up nu’ng time na ‘yun. Wala nang kumukuha sa akin. Parang sabi ko, hindi yata ako para rito. Na tipong may mga bagay na gusto natin pero hindi naman nakalaan sa atin. So, bakit pa natin pipilitin? Mag-focus na lang ako sa work ko.

“’Kaso nga, passion ko talaga ang acting. Makapal talaga ang mukha ko sa pag-arte, mag-perform sa harap ng maraming tao. Mahilig lang talaga akong umarte sa harap ng salamin sa loob ng CR namin. Kasi bago maligo, umaarte muna ako,” kuwento pa niya.

Nasundan ang isyu kay Cesar, panibagong kontrobersiya naman nang minsan siyang dumalaw sa isang diumano’y ‘VIP inmate’ sa isang hospital.

“Since high school, independent na talaga ako. Sumasali ako sa mga pageant, TV contests at iba pa. Kahit okay ang trabaho ng daddy ko as a jai alai player, hindi ako madalas umaasa sa kanya.

“So, nu’ng nakita ako sa hospital, nagpunta ako roon to offer condo units dahil nga real estate broker ako. Hindi ko inisip na magiging issue pala ang pagpunta ko roon,” salaysay ng dalaga.

Nang panahong tatalikuran na raw niya ang showbiz, dumating naman ang offer sa kanya ni Direk Gil Portes para magbida sa Hukluban.”

“’Tapos nga, ‘eto ‘yung Hukluban ‘binigay ni Lord, lead role pa. Sobrang blessed at honored talaga ako. Habang pinanonood ko ‘yung movie, para akong naiiyak na natutuwa. Na sobrang blessed ko pa rin dahil ibinigay sa akin ito. I’m so overwhelmed.

“Sabi ko, ‘Sana ito na! Sana ito na!’ Na mapansin ako ng mga tao, ng mga direktor at masabi nilang may karapatan din ako sa industriya. Salamat talaga kay Direk Gil sa tiwala niya sa akin.

“Hangad ko lang talaga ‘yung mapansin ako. At ‘yung nabigyan ka ng ganitong opportunity, sobrang wow! Sobrang karangalan na ito para sa akin. So, sana ito na ang simula. Sana matanggap din nila ako bilang artista. Ginawa ko naman lahat para mapansin nila ako.”

Nag-iwan na rin ng mensahe ang bida ng Hukluban sa kanyang mga basher at hater sa social media.

“Wala akong masasabi, eh. Hindi ko na lang sila pinapansin. Basta, I’m doing this for myself not for them!

“Dati umiiyak ako dahil sa mga hater ko pero deadma na sa kanila. Basta andito ako, heto ako, nagpapaka-strong,” huling pangungusap ni Krista.