Laro ngayon:(MOA Arena)
2:30 p.m. San Beda vs. Mapua (jrs)
Paglalabanan ngayon ng defending at reigning 5-peat champion San Beda College (SBC) at challenger na Mapua ang winner-take-all Game Three ng kanilang finals series ng NCAA Season 90 juniors basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Naipuwersa ng Red Cubs ang knockout match matapos nilang gantihan ang Red Robins, 78-68, sa Game Two.
Kapwa may tig-20 kampeonato sa juniors division, pag-aagawan din ng dalawang koponan na maluklok bilang most winningest juniors team sa NCAA basketball.
Kung magwawagi ang Red Cubs, maitatala din nila ang panibagong record na 6-straight championships na nagsimula noong 2009, na hindi pa nagagawa ng kahit na anong koponan sa liga kahit pa sa seniors division.
Kapag nagwagi naman ang Red Robins, matatapos na nila ang 14 year title drought kasunod ng huli nilang kampeonato noong 2000.
“Kailangan lang makapag-execute kami ng maayos sa defense, ‘yun lang ang kailangan namin, ma-stop ‘yung kanilang mga shooter,” pahayag ni coach JB Sison, partikular na binanggit ang big man ng Red Robins na si Sherwin Concepcion.
“Sa kanya talaga kami nahirapan, kasi big man tapos tumitira sa labas, kinailangan naming mag-adjust dahil ang liit ng nagbabantay sa kanya,” ayon pa kay Sison patungkol kay Concepcion na bumitaw ng tatlong sunod na three pointers sa huling bahagi ng final period sa Game Two kung saan nagbantang humabol at umalagwa ang Mapua.
Muli, sasandalan ni Sison para sa kanilang misyon ang mga beteranong sina Niko Abatayo, Joshua Caracut, Kenneth Alas, Evan Furaque at Marc Diputado.
Sa kabilang dako, aasahan naman ni coach Randy Alcantara para muling maibalik sa pedestal ang Mapua sina Concepcion, Mythical Team member Dennel Aguirre, David Velvez at Noa Lugo.