Tuluyan nang nakapasok sa kampeonato ang Philippine Army (PA) makaraang ungusan ang Cagayan Valley (CaV) sa isang dikdikang five setter, 25-22, 26-24, 26-28, 23-25, 15-13, na labanan noong Huwebes sa Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Naging matindi ang palitan ng hits ng dalawang koponan sa decider na umabot pa sa 13-all, bago ito binasag ni Jovelyn Gonzaga sa pamamagitan ng isang cross court hit upang ibigay sa Lady Troopers ang huling match point sa laro.

Pormal namang sinelyuhan ni Nene Bautista ang panalo nang talunin nito si Joy Benito sa isang matinding tapikan sa net na nagbigay sa Army ng tagumpay, ang kanilang ikalimang sunod na panalo na nagpasok sa kanila sa finals.

“Hindi naman sa pagmamayabang, ‘yung opensa namin at depensa, lalo na ‘yung blocking, kuhang-kuha namin doon sa first two sets na ginawa naming lahat sa practice, kaso nawala iyon pagdating sa third,” wika ni Army coach Rico de Guzman nang tanungin kung bakit nawala ang laro nila sa third at fourth set.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Mahirap talagang kalaban ang Cagayan at mas lalong humirap ngayon na may import sila,” dagdag pa nito.

Namuno sa nabanggit na panalo ng Lady Troopers si Dindin Santiago na nagtala ng 20 puntos, kabilang dito ang 16 na hits at 3 aces, sumunod si Bautista na may 18 puntos at Mina Aganon na nag-ambag ng 16 puntos.

Sa panig naman ng Lady Rising Suns na bumaba sa barahang 2-2, kapantay ng PLDT Home Telpad sa ikalawang puwesto, kapwa nagtala ang kanilang Thai imports na sina Hyapha Amphorn at Patcharee Saengmuang ng tig-22 puntos.

Una rito, nakauna pa sa match point ang Lady Troopers, 24-22, ngunit nagawang makatabla ng Lady Rising Suns nang ipasok si Amphorn at mula doon ay dalawang beses nilang binigo ang una para makahirit sa fourth set.

Umagwat din agad sa fourth set ang Lady Troopers, 9-4, ngunit nagkasunud-sunod ang kanilang errors dahilan para makahabol at tumabla ang Lady Rising Suns sa 9-all.

Buhat doon ay naging dikdikan na ang laban hanggang sa untiunting lumamang ang Cagayan para tuluyang mapuwersa ang decider set matapos itabla ang laban.

Samantala, sa tampok na laban, muling ginapi ng Instituto Estetico Manila ang Far Eastern University (FEU), 25-20, 25-21, 25-21, para makamit ang liderato sa men’s division.

Nagtala sina Jason Canlas at Jeffrey Jimenez ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, upang giyahan sa panalo ang Phoenix Volley Masters na umangat sa barahang 4-1.

Tumapos naman na top scorer para sa napatalsik na FEU na bumaba sa barahang 1-4 si Greg Dolor na nagposte ng 10 puntos.