Inatasan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang Philippine National Police- Highway Patrol Group (PNPHPG) na repasuhin ang kanilang mandato.
Ginawa ni Roxas ang pahayag sa pulong ng national police directorate sa Camp Crame nang sinabi ng kalihim na upang mas epektibong makatulong ang HPG sa kampanya ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) kontra sa kriminalidad sa Metro Manila ay dapat na tama ang kanilang aksiyon.
“Tingnan ninyo ang IRF at GIS map para tama ang intervention, para maipaalam sa district directors,” pahayag ni Roxas na nagrekomendang balansehin ng HPG kundi man ay bawasan ang pagpapatrulya. “Wala sa dagdag na patrulya ang sagot sa problema ng carnapping sa Metro Manila kung hindi sa intelligence.”
Partikular na pinababantayan ng kalihim ang “chop-chop” shops upang mas mabilis na malansag ang mga sindikatong responsable sa insidente ng carnapping at motornapping sa Metro Manila.
Ibinaba ni Roxas ang kautusan matapos na matukoy sa audit ng PNP na sa 79 insidente ng carnapping na naitala mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 19, 40 kaso ay nangyari sa residential areas, 20 sa kalsada at 19 sa harap ng mga establisyimento.
Sa ginawang pulong tiniyak naman ng HPG na isasagawa nila ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga barangay at komunidad na may mataas na insidente ng pagnanakaw ng sasakyan at kanilang hanay.