BEIJING (AP) — Nilagdaan ng 22 bansa sa Asia noong Biyernes ang isang bagong international bank para sa Asia na suportado ng Beijing at kinokontra ng Washington bilang hindi na kailangang karibal ng matatatag nang institusyon tulad ng World Bank.
Lumagda ang mga kinatawan ng 22 nasyon sa memorandum of understanding sa Great Hall of the People sa sentro ng Beijing para itayo ang Asian Infrastructure Investment Bank.
Ang bagong bangko ay sumasalamin sa hangarin ng China na isulong ang pamumuhunan sa rehiyon at pagkadismaya nito sa paghahari ng US, Japanese at European sa World Bank, International Monetary Fund at Asian Development Bank.
Ang bagong lender ay popondohan ang konstruksiyon ng mga kalsada, riles ng tren, power plant at telecommunications network sa Asia na ayon sa global finance officials ay kailangan upang mapanatili ng rehiyon ang sumisiglang ekonomiya.
Kabilang sa mga nakiisa ang regional economic power gaya ng India kasama ang mas maliliit ngunit malusog na ekonomiya gaya ng Singapore, Vietnam, Pilipinas at Mongolia. Wala naman ang mga kaalyado ng US na Japan, South Korea at Australia, na unang niligawan ng China.
Ipinanukala ni Chinese President Xi Jinping ang bangko isang taon na ang nakalipas sa pagtitipon ng mga bansa sa Asia-Pacific, at sinabi ng China na magkakaloob ito ng inisyal na $50 bilyong kapital.
Kasama rin sa mga lumagda sa bangko ang Bangladesh, Brunei, Cambodia, Kazakhstan, Kuwait, Laos, Malaysia, Myanmar, Nepal, Oman, Pakistan, Qatar, Sri Lanka, Thailand at Uzbekistan.
Opisyal na niyakap ni World Bank President Jim Yong Kim ang bagong institusyon gayundin ni ADB President Takehiko Nakao.
Tinaya ng ADB na ang mga umuunlad na bansa ay kailangang mamuhunan ng $8 trilyon sa imprastraktura mula 2010 hanggang 2020 upang mapanatili ang pagsusulong rehiyon, at kakarampot lamang nito ang maipagkakaloob ng ADB.