Ni MINA NAVARRO
Ilang sindikato ng illegal recruitment ang nabuking na ginagamit ang tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang makapambiktima ng mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
Ito ang natuklasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaya’t kaagad nagbabala sa nabanggit na ahensiya.
Lumalabas na ilang recruitment agency ang gumagamit ng lobby ng POEA para isaayos umano ang papeles ng mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Unang kinumpirma ni POEA chief Hans Leo Cacdac na isang illegal recruiter ang naaresto at kinasuhan na nakilalang si Regulus Arnaiz Mallari matapos mambiktima ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) na pinangakuan ng trabaho sa Japan bilang mga factory worker.
Modus operandi ni Mallari ang maningil ng 50,000 sa kanyang mga biktima at isasama ang mga ito sa POEA para umano mailakad niya ang kanilang mga papeles.
Si Mallari ang ikatlong illegal recruiter na nasasakote sa loob mismo ng tanggapan ng POEA sa loob ng tatlong taon.