Nagpalabas ng health tips ang isang opisyal ng Department of Health (DoH) na sinasabing mabisang panlaban kontra sa nakamamatay na Ebola Virus Disease (EVD).
Sa kanyang Twitter account, nagpalabas si Dr. Enrique Tayag, director ng DoH-National Epidemiology Center (NEC), ng E.B.O.L.A. tips upang maipaalala sa publiko ang mga dapat gawin upang maiwasan ang naturang sakit.
Ang kahulugan ng E.B.O.L.A. ay ang sumusunod: Entry/exit screening for travelers, Body temperature monitoring for 21 day-quarantine; Onset of fever signals isolation, treatment and contact tracing; Laboratory test to confirm illness and report cases at Adherence to infection control to protect health workers and prevent spread.
Inihayag ni Tayag ang mga naturang tip kasunod ng posibilidad na makapasok rin sa bansa ang naturang sakit.
Ayon kay Tayag, ang sinumang pasyenteng mamamatay sa EVD sa Pilipinas ay dapat agad na ilibing o i-cremate sa loob ng 24-oras.
Hindi na aniya ito papayagan pang maiburol para na rin sa kapakanan ng kanyang mga kaanak at kapitbahay.
Ang mga pasahero naman aniya na mula sa mga Ebola-affected country ay dapat ring subaybayan sa lagnat sa loob ng 21-araw.
Maaari naman aniyang humingi ng tulong ang isang may sakit na balikbayan sa alinmang ospital ngunit maaaring ipadala rin ito sa itinalagang pagamutan ng DoH.