Optimistiko ang Davao del Norte sa pagiging host ng 2015 Palarong Pambansa upang maitakda ang lahat ng indibidwal na laro sa bagong gawa at multi-milyong Davao del Norte Sports and Tourism Complex (DNSTC).

Gayunman, nahaharap sa matinding laban ang Davao del Norte upang maging host ng Palaro kontra sa apat na iba pang rehiyon sa Mindanao na kinabibilangan ng Koronadal City, South Cotabato (SOCCSKSARGEN), Cagayan de Oro City, Misamis Oriental (Northern Mindanao ), Butuan City at Surigao City bilang co-host (Caraga Region) at Tubod, Lanao del Norte (Northern Mindanao Region).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Seryoso din ang tinaguriang One Caraga-Region XIII na pinakabagong rehiyon sa Pilipinas upang maging host ng taunang torneo. Ang CARAGA ay binubuo ng apat na probinsiya na Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Nakatakda ngayong Oktubre na pagdesisyunan ng pamunuan ng Department of Education (DepEd), kasama ang 17 regional directors, kung sino ang magsisilbing host ng prestihiyosong torneo na nagsisilbing pundasyon sa tugatog ng tagumpay ng mga tulad nina Lydia De Vega-Mercado at Elma Muros-Posadas.

Matindi rin ang pagnanais ng Koronadal City na muling maisagawa sa ikatlong pagkakataon ang torneo para sa mga estudyante sa elementarya at sekondarya.

Muling ipinahayag ni Davao del Norte Governor Rodolfo del Rosario ang masidhing pagnanais na maging host ng Palaro matapos na isagawa ang Davao Regional Athletic Association (DAVRAA) kung saan siniguro nito na makukumpleto nila ang pasilidad upang magwagi bilang host ng torneo.

Sinabi ni Del Rosario na hangad niyang maisagawa ang paglalabanang 19 na sports, na binubuo ng mahigit na 399 events, sa malawak na state-of-the-art facility na nasa Mankilam, Tagum City.

Ipinaliwanag ni Del Rosario na lubhang problema ang pagsasagawa ng mga laro sa magkakahiwalay na lugar para sa mga kalahok kung saan kailangan nilang magbiyahe patungo at pabalik sa kanilang billeting quarters at malaking aksaya din ng oras at gastusin.

Ipinagmamalaki ng Davao del Norte ang pagkakaroon ng 3,000-capacity sa main grand stand, rubberized track oval, Olympic-sized pool na may warm-up pool, 1,000-seat bleacher at clubhouse, football field, dalawang lawn tennis courts, air-conditioned basketball gymnasium at ang makabagong lighting system para sa panggabing event.

Nakatakda ring itayo ang isa pang football field at baseball field sa nabanggit na lugar upang mas mapalawak ang kapasidad ng pasilidad upang maisagawa ang mga malalaking event.