Nikki Gil

DIRETSAHANG inamin ni Nikki Gil na may bago na siyang karelasyon, na masayang-masaya ang puso niya ngayon, at matagal na siyang naka-move on sa hiwalayan nila ng naging boyfriend niya for five years na si Billy Crawford.

‘Yun nga lang, kahit anong pilit ay ayaw niyang i-reveal ang pangalan pati na ang description ng kanyang bagong boyfriend. Katwiran ng aktres/TV host/singer, private citizen ito.

Gusto niyang maging private ang pag-aalaga at pagpapatibay sa kanilang relasyon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Sa akin na lang muna ito. Matagal din ako nag-soul-search. And I want to take care of this relationship. Saka hindi naman siya taga-showbiz. Kaya nakakahiya if I even mention who he is now,” napangiting sabi ng dalaga.

Pero hindi raw naman habang buhay niyang ililihim ang pangalan ng boyfriend niya.

“Siguro kapag tumagal-tagal, makakasanayan na niya ang lahat. But for now, private na muna siya.

“Masaya na ako ngayon. And dapat naman na aalagaan ko ito nang husto. It’s more than a year na since na nangyari ang hindi naman namin inaasahang mangyari. Kaya dapat lang na huwag na nating balikan pa,” seryosong sabi pa ni Nikki.

Aniya, aware siya na may magaganda pang plano para sa kanya ang Diyos. Natutuwa siya sa magagandang nangyayari sa buhay niya ngayon, personally and professionally.

“I never stopped praying naman for happiness and peace. And now that God has given me that, never-ending naman ang pasasalamat ko,” banggit pa ni Nikki Gil.

Samantala, super busy si Nikki sa kanyang showbiz commitments. Katatapos lang niyang gawin ang isang musical play na The Last Five Years, nakapag-taping na rin siya ng guest role niya sa Hawak Kamay ni Piolo Pascual at tinatapos na rin niya ang shooting ng pelikulang My Bossing’s Adventures na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Rayza Mae Dizon for Metro Manila Film Festival 2014.