Aprubado na ng Commission on Elections (Comelec) ang “iRehistro Project,” isang internet-enabled system, para sa overseas voter registration simula nitong Oktubre 17, ayon sa Department of Foreign Affairs-Overseas Voting Secretariat (DFA-OVS).
Ipatutupad ng Embahada ng Pilipinas sa Madrid, Spain ang proyekto simula sa unang linggo ng Nobyembre 2014 na may period ng isang buwan para sa sea-based at land-based registrants.
Magsusumite ang Embahada ng report at rekomendasyon sa kapabilidad ng proyekto, at sakaling maging epektibo ang iRehistro Project ay ilulunsad ito sa ibang Philippine Foreign Service Post.
Oktubre 3 nang pinasinayaan ang Overseas Voter Registration Center (OVRC) sa Overseas Worker Welfare Administration (OWWA), ang ikatlong OVRC na inilunsad para sa paghahanda ng 2016 presidential elections. Ang unang OVRC ay nasa DFA-Office of Consular Affairs (DFAOCA) sa Macapagal Avenue, Parañaque City habang ang ikalawa naman ay sa Commission on Filipinos Overseas (CFO) sa Quirino Avenue sa Maynila.
Nitong Setyembre ay patuloy ang pagdami ng overseas voter registration na umabot sa 42,482. Bukod pa ito sa 18,670 nagparehistro noong Mayo; 20,836 noong Hunyo; 24,366 noong Hulyo; at 38,945 noong Agosto na may kabuuang 145,299.