SAPAGKAT tumataas palagi ang presyo ng pangunahing bilihin pati na ang singil sa kuryente, tubig, upa sa bahay, pati na ang pamasahe, natitiyak kong marami sa atin ang ineeksaming mabuti ang ating pinagkakagastusan. Kung kaya rin naman, naglalakad na lamang tayo papasok sa trabaho o eskuwela, ipinagdidiinan natin sa barumbadong driver ng jeep o tricycle ang ating discount sa pasahe o ang ating sukli. Binabawasan din natin ang ating luho gaya ng panonood ng sine, paglalaro ng online games sa mga Internet cafe. Bumibili na lamang tayo ng murang ulam, kung minsan hindi na rin tayo nagdi-dessert. Umiiwas na rin tayo sa lakaran ng barkada dahil tiyak na gastos iyon. At ngayon nagdadalawang isip tayo kung ia-upgrade natin ang ating cellphone. Di ba parang miserable na ang ating buhay dahil sa ating pagtitipid bunga ng mga limitasyong iniaatang sa atin ng ekonomiya?
Marami sa atin ang naniniwala na ang pagiging matipid ay nangangahulugan ng pagiging miserable. Ngunit hindi naman kailangang maging masakit ang pagtitipid. Ito ay simpleng pag-aaral ng mga bagay na maaari mong baguhin na hindi naman nakaaapekto sa iyong kaligayahan. Narito ang ilang tips sa pagiging matipid na hindi ka magiging miserable:
- Alamin kung ano ang mahalaga sa iyo. - May mga gastusin na maaari mo namang ihinto o bawasan ngunit kung nagdudulot sa iyo ng kasiyahan ang mga iyon, huwag mo namang agad-agad alisin ang lahat ng iyon. Halimbawa: Kung ini-enjoy mong uminom ng isang malamig na beer pagkatapos ng trabaho, huwag mo namang puwersahin ang sarili mong magtiyaga sa walang kalasalasang gulaman. Kung dahil doon ay nakararamdam ka na ng pagkainis dahil sa iyong pagtitipid sa pera, malamang na bigla kang gumastos sa walang kapararakang bagay. Kung halimbawang lagi kang bumibili ng bagong T-shirt upang makadagdag sa pogi points para mapa-impress mo lalo ang iyong siyota, natitiyak kong lalo siyang mai-impress kung hindi ka maluho sa damit sapagkat naroon ang impresyon na maingat ka sa iyong pananalapi. Sa ganoong paraan mapanantili mo ang iyong pera sa iyong pitaka at nae-enjoy mo pa ang paborito mong T-shirt na nakagiliwang pagmasdan sa iyo ng iyong minamahal.
Sundan bukas.