Kapag nagbasa ka ng pahayagan, nanood ng balita sa telebisyon, nagbasa ng online news o nakinig ng balitaktakan sa radyo, makababasa o makaririnig ka ng matitinding opinyon o batikos hinggil sa mga polisiya at pamamalakad ng ating gobyerno o ng ating mga leader at mambabatas na pinamumunuan ang pamahalaan. At malamang na sa inyong tahanan, opisina, o sa mga umpukan, may matitindi ring opinyon at batikos sa ating Pangulo o sa nangungunang partido pulitikal.
Kung ano man ang iniisip natin tungkol sa ating gobyerno at ating mga opisyal na namamahala nito, inaatasan tayo ng Diyos na tumalima sa ating mga leader - kabilang na yaong hindi natin sinasang-ayunan, mga among makasarili, mga terror na propesor, mga pangulo ng organisasyon at tiwaling mga opisyal ng gobyerno.
Nang sumulat si San Pablo sa mga taga-Roma, na inilagay ng Diyos doon ang mga may kapangyarihan, batid niya na kinokontrol ng Diyos ang mga situwasyon at mga pangyayari, inaalis Niya sa puwesto ang mga hari at iniluluklok ang iba.
Ang lahat ng hari (mga pangulo, mga leader, mga amo o boss, atbp.) ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. Pinahihintulutan Niya na mamuno ang mga leader, ang humawak ng kapanyarihan, at pinahihintulutan din Niya na maalis ang mga ito sa puwesto.
Maaaring magtaka tayo kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na mamuno ang mga tiwaling opisyal, mga leader na walang takot sa Diyos, na pagharian tayo. Ngunit itinuturo ng Mabuting Aklat na may kapanyarihan ang Diyos na gabayan ang puso ng mga “hari” o bigyan sila ng inspirasyon na magbago ng isip o palitan ang anumang polisiya o paraan ng pamamalakad. Habang pinahihintulutan ng Diyos ang tao na mamuno, sinabi ni Jesus, “Binigyan ako ng kapangyarihan na pamunuan ang langit at lupa.” At kapag tumatalima tayo sa ating mga pinuno, tumatalima tayo alang-alang kay Jesus. May nasusulat: “Alangalang sa Panginoon, respetuhin ang lahat ng awtoridad - mahing ang mga ito ay hari, pinuno ng estado at mga opisyal na itinalaga ng mga ito sapagkat pinarararangalan nito ang mas mataas na kapangyarihan - si Kristo Jesus.