Ni ELENA L. ABEN
Ikinokonsidera ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Clark Air Base sa Pampanga at ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija bilang posibleng lugar ng quarantine para sa mga peacekeeper na magbabalik-bansa mula sa Liberia, na isa sa mga apektado ng Ebola outbreak sa West Africa.
Sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, hepe ng AFP Public Affairs Office (PAO), na sa initial planning ay tinukoy ang nasabing dalawang pasilidad ng militar sa Central Luzon bilang posibleng lokasyon sa 21-araw na quarantine ng 110-miyembro ng Philippine Contingent to Liberia (PCL) kapag nagbalik na ang mga ito sa bansa.
“Unfortunately, hindi natin sila mabibigyan ng hero’s welcome,” sabi ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr., idinagdag na inaasahang magsisiuwi sa bansa ang mga peacekeeper sa Nobyembre 10.
Sinabi ni Cabunoc na masusing makikipag-ugnayan ang AFP sa Department of Health (DoH) sa buong panahon ng quarantine.