Arestado ang dalawang hinihinalang drug courier makaraang makumpiskahan ng aabot sa P1.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang hiwalay na drug operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga lungsod ng Pasay at Pasig.
Agad dinala sa Camp Crame sa Quezon City ang naarestong suspek na si Jerby Legasca matapos mahulihan ng 700 gramo ng umano’y shabu na isinilid nito sa isang plastic bag at inihalo pa sa pinamiling grocery items subalit hindi nalinlang ng kanyang modus ang talas at kapabilidad ng PDEA agents.
Bukod kay Legasca, nasa kustodiya rin ng ahensiya ang isa pang suspek na si Zaldy Sanchez nang masamsam sa kanya ang 175 gramo ng illegal na droga na nagkakahalaga ng P200,000 matapos makipagtransaksiyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa isang fastfood chain sa Pasig City.
Bago ang operasyon, nagsagawa ng surveillance ang awtoridad kaugnay sa sinasabing ilegal na aktibidad ng mga suspek.
Inaalam pa ng PDEA kung miyembro sina Legasca at Sanchez sa isang malaking sindikato ng droga na may operasyon sa Metro Manila at karatig probinsiya.