OKTUBRE 12, 2011—Tatlong taon na ang nakalipas ngayon—nang nagpaabot ang Department of Budget and Management ng Memorandum para sa Pangulo para sa isang “Proposed Disbursement Acceleration Program.”

Nakatala ang mga pondo para sa acceleration program, kabilang ang “hindi naipalabas na personal services appropriations na maaaring gamitin bilang savings at gastusin sa mga prioridad na programa,” kasama ang “hindi naipalabas na pondo (ng mababagal na proyekto at programa na hindi na magpapatuloy).” Kabilang din sa pondo ang mga dividend mula sa Government Financing Institutions; savings mula sa Zero-based Budgeting Initiative; “agency budget items na maaaring ilaan sa ibang proyekto ng ahensiya upang pondohan ang bago at fast-disbursing projects.”

Nakadetalye rin ang ilang proyekto na popondohan alinsunod sa programa. Kabilang sa mas malalaking halaga ang: P11 bilyon para sa National Housing Authority; P10 bilyon para sa Banko Sentral ng Pilipinas; P5.5 bilyon para sa Department of Agrarian Reform para sa mga komunidad sa repormang pang-agraryo; P2.8 bilyon sa Bureau of Customs “upang bayaran ang principal obligations sa PIDC”; P5.5 bilyon sa Department of Public Works and Highways para sa “iba’t ibang proyektong imprastruktura”; P8.5 bilyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa “komprehensibong peace at development intervention”; P4.5 bilyon sa Department of Transportation and Communication para sa “pagbili ng karagdagang bagon ng MRT”; P6.5 bilyon na “LGU Support Fund”; at P6.5 bilyon para sa “Various Other Local Projects.”

Kaya itinatag ang Disbursement Acceleration Fund (DAP). Hindi aktuwal na batid ng lahat ang tungkol dito hanggang sa ibunyag ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada, para ipagtanggol ang kanyang sarili mula sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, nang sabihin niyang tumanggap ang mga senador ng P50 milyon bawat isa pagkatapos ng impeachment ni Chief Justice Renato Corona. Agad namang pinabulaanan ni DBM Secretary Florencio Abad na ginamit dito ang mga pondo mula sa PDAF. Aniya, ang halagang binanggit ni Estrada ay mula sa bagong programa na tinatawag na DAP, na idinisenyo para paunlarin ang ekonomiya.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Tatlong taon na ngayon mula nang ipaabot ni Secretary Abad ang unang memorandum sa Pangulo. Gaya ng PDAF, simula noon ay binulabog na ng DAP ang bansa, pinagkompronta laban sa isa’t isa ang mga opisyal at ang mga ahensiya ng gobyerno, at sinira ang reputasyon ng maraming personalidad.

Pero nakatulong din sa paglilinis sa bansa ang kontrobersiya ng PDAF-DAP. Tinuldukan na ngayon ang matagal at tanggap nang mga sistema, gaya ng pork barrel. Mas alerto na rin ngayon ang mamamayan laban sa mga kahina-hinala at magagastos na proyekto. Ang mga grupong dati ay sunud-sunuran ay mas handa na ngayong kuwestiyunin ang asal at pasya ng mga leader. Marami rin siyempre na iba pang bagay na ikokonsidera, gaya ng mas malakas na ang loob ng tradisyunal at social media, ngunit ang mas malaking bahagi ng pagbabago ay dahil sa kontrobersiya ng PDAFDAP na nagmulat sa paningin ng marami sa atin.