Hindi kapani-paniwala subalit dalawang babaeng janitor ang iniulat na sinapian ng espiritu noong Biyernes ng hapon habang pitong atleta naman ang patuloy na inoobserbahan matapos umanong paglaruan ng mga hindi nakikitang nilalang na namamahay sa PhilSports Arena.
Base sa dumating na ulat sa Executive Directors Office ng Philippine Sports Commission (PSC), nagsagawa sila ng misa at pagbasbas sa mga gusali na tinitirhan ng mga atleta at opisina ng iba’t ibang national sports associations (NSA’s) noong Biyernes nang maganap ang insidente.
Isinagawa ang misa matapos na ireklamo mismo ng mga nanunuluyang atleta at maintenance personnel ang mga kakaibang pangyayari na kanilang nararamdaman sa mga dormitoryo sa Ultra.
Gayunman, naganap noong Biyernes ang hindi inaasahan nang biglang mag-iba ng pag-uugali ng isang janitress na nakunan pa bago pa man magsimula ang misa na sinundan naman ng kakaibang pakiramdam ng isa pang janitress na nang ipahawak ang krus ng nagmisang pari ay biglang hinimatay kung saan ay ipinadala ito sa ospital.
Sinabi naman ni PSC Executive Director Guillermo Iroy Jr. na agad nilang paiimbestigahan ang mga pangyayari at maging ang naiulat ng medical personnel sa nangyari sa pitong atleta na inirereklamo rin ang hindi pangkaraniwang nagaganap sa kanilang lugar.
Ipinaliwanag ni Iroy Jr. na sasailalim din sa medical check-up ang dalawang maintenance personnel na umano’y hinihimatay din, gayundin ang mga atleta.
Matatandaan na una nang may nahukay na buto ng tao habang ginagawa ang track and field at may natagpuan din sa ilalim ng bleacher sa football field.
Isang malagim na pangyayari ang nangyari malapit sa basketball court ilang taon na ang lumipas kung saan ay ilan ang nasawi matapos maganap ang stampede habang isasagawa ang isang popular na programa sa telebisyon.