Ang Pilipinas ang natatanging bansa sa daigdig ang nagdiriwang ng isang buong buwan upang parangalan ang mga guro. Ito ay isang testamento sa pagpapahalagang inilalaan ng gobyerno sa mga guro, ayon sa Malacañang sa pagdiriwang ng bansa sa national Teachers Month ngayong Oktubre. Hinimok ni Education Secretary Bro. Armin Luistro, FSC ang mga Pilipino na ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang nakalipas at kasalukuyang mga guro sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham, pagte-text, o pagtu-tweet ng kanilang pasasalamat.
Gayunman, sinabi ng Malacañang na hindi nito masusuportahan ang isang panukalang batas na magbibigay sa mga guro ng pampublikong paaralan ng karagdagang kompensasyon na P9,000 isang buwan at P1,000 para sa isang taunang medical checkup. Ito ang nakatadhana sa House Bill (HB) 245 na inihain ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.
Ang Magna Carta for Public School Teachers, ayon sa HB, ay nagsasabi na ang sahod ng mga guro ay kailangang pumantay sa iba pang okupasyon na nangangailangan ng kahalintulad na kuwalipikasyon, pagsasanay, at mga abilidad. ngunit, dagdag pa ng bill, ang isang professional teacher na humahawak ng entry-level position na Teacher I ay sumasahod ngayon ng P18,549 kada buwan, na higit na mas mababa kaysa isang kadete na pumapasok sa Philippine Military Academy na sumasahod ng buwanang P21,709. Ang isang call center agent na hindi kinakailangang magkaroon ng bachelor’s degree ay sumasahod ng mula P15,000 hanggang P25,000 kada buwan.
Ang dahilan ng Malacañang sa paninindigan nito laban sa HB ay “budgetry considerations” umano. Ang panukalang general Appropriations Act (gAA) para sa 2015 ay naisumite na sa Kongreso ay nananawagan ng budget na P92.3 bilyon para sa hiring ng 39,000 guro at sa konstruksiyon ng mga school building, bukod sa P2 milyon na para sa pagsasanay ng mga guro para sa K-to-12 program.
Ang mga guro, gayunman, ay hindi sumusuko sa kanilang pagsisikap para sa karagdagang sahod. Nagdaos ang Teachers’ Dignity Coalition ng isang protesta noong isang araw sa Bonifacio Shrine sa Manila. Patuloy silang umaapela kay Pangulong Aquino.
Ang patuloy na pamimilit ng mga guro ng bansa na ikonsidera ng gobyerno ang proposal para sa karagdagang saho ay marahil isa sa mga direktang resulta ng mga exposé sa bilyun-bilyong pondo na napunta sa mga mambabatas sa ilalim ng Priority Development Assistance Fund at sa iba’t ibang proyekto, na wala naman sa gAA ngunit pinondohan ng Disbursement Acceleration Program. Sa katunayan, kung daan-daang bilyong piso ang maaaring ilustay para sa mga proyekto na tulad ng pagpapatayo ng mga convention center at tax administration reform, ang ilan sa mga bilyong iyon ay maaari ring gamitin bilang pandagdag sa sahod ng mga guro.
Hindi pa huli upang isama ang dagdag na sahod sa 2015 national budget. Kung sa pakiramdam ng gobyerno ay masyadong mataas ang P10,000 sa isang bigayan lang, marahil kalahati ng halagang iyon ay maaaring aprubahan. Malaking pasasalamat na ng lahat ng guro sa bansa ang anumang dagdag sa sahod bilang unang hakbang sa pagtutuwid ng kanilang natatanaw na kawalan ng katarungan. Dahil doon, magiging makabuluhan ang ating selebrasyon ng national Teachers Month kaysa pagtu-tweet ng “Salamat po” sa ating mga guro.