Ni SAMUEL P. MEDENILLA
Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa mga kumpanya at establisimyento na hindi ini-refund ang mga ilegal na inawas sa sahod.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na tapos na ang deadline noong Biyernes upang magbigay ng refund ang mga pasaway na kumpanya base sa inilabas na Labor Advisory No. 11, Series of 2014, noong Setyembre 3.
“It must be refunded to the employees within 30 days from its issuance…failure to refund shall render the deduction illegal,” pahayag ni Baldoz .
Subalit sinabi ng kalihim na maaari pang palawigin ang deadline, depende sa pakikipagnegosasyon ng kumpanya sa kani-kanilang labor group.
“As may be agreed upon by the employer or employees through the Single Entry Approach (SEnA), otherwise failure to refund shall render the deduction illegal,” ani Baldoz.
Nagbabala si Baldoz na posibleng hindi na ma-renew ang certificate of compliance to general labor law ng isang kumpanya kapag nabigo itong tumalima sa regulasyon.
Nakasaad sa Labor Advisory No. 11 ng DoLE na bawal sa isang kumpanya ang sapilitang singilin ang mga manggagawa maliban sa mga sumusunod: Deductions authorized by the law like insurance premiums; deductions for the payment to a third person provided that the latter does not receive any pecuniary benefit, directly or indirectly, from the transaction.
Iginiit ni Baldoz na hindi dapat hihigit sa 20 porsiyento ng isang linggong sahod ng isang empleyado ang iaawas ng isang kumpanya.
Maaari ring singilin ng mga establisimiyento, tulad ng private security agency, na mag-aawas mula sa sahod ng empleyado sa mga nasirang materyales, tools, at equipment na ipinagamit ng employer.