Kahit payagan ng Kongreso si Pangulong Benigno S. Aquino III na gamitin ang P4-na milyon hanggang P10 milyong pondo mula Malampaya, hindi pa rin maiiwasan na may gagastusin ang publiko.

Ito ang inamin ni Department of Energy (DOE) Secretary Carlos Jericho Petilla, na nagsabing maging ang Malampaya fund ay sasaklawin ng inihihirit na emergency powers kay PNoy para masolusyonan ang nakaambang kakulangan sa suplay ng kuryente sa susunod na taon.

Gayunman, inihayag ng DOE na hindi naman magiging malaki ang papasanin ng taumbayan kundi ‘fair prevailing price’ lang sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

“Kung ang enerhiya sa 2015, ipapakargo lahat sa tao ‘yung mga gastusin, talagang malulula tayo... hindi naman pwedeng libre din,” pahayag ni Petilla.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“As much as possible po, sinusubukan na namin gayahin na ang babayaran ng tao kung ano ang market prices, kung ano ang binayaran natin sa 2014 para hindi naman libre, hindi naman ikinarga sa lahat ng taumbayan,” paliwanag ni Petilla.

Nilinaw ni Petilla, hindi lang pagbili o pag-upa ng generator sets ang naiisip nilang solusyon sa nakaambang kakulangan sa suplay ng kuryente kundi marami pagpipilian gaya ng interruptible load program.

Binigyang-diin ng kalihim na kailangan paghandaan ang napipintong power shortage sa 2015 dahil ngayon pa lang manipis na ang suplay.