Gagamitin ng gobyerno ang overseas loans at pondo mula sa pribadong sektor sa pagtatayo ng 53-kilometrong expressway na maguugnay sa Tarlac at Nueva Ecija, ang Central Luzon Link Expressway (CLLEX).

Sinabi ni Public Works and Highways Undersecretary Rafael Yabut na sa pamamagitan ng overseas development assistance (ODA) loan at Public-Private Partnership (PPP) scheme ay popondohan ang konstruksiyon, operasyon at pagmamantine ng CLLEX.

Aniya, ang P15-bilyon ODA loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) ang magpopondo sa pagpapagawa ng 30-kilometrong Segment 1 ng CLLEX, na mag-uugnay sa Tarlac City—kung saan nagtatapos ang Subic-Clark-Tarlac Expressway at nagsisimula ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway—sa Cabanatuan City.

Ang konstruksiyon naman ng Segment 2 ay aayudahan ng PPP at may 30-taong kontrata sa pangangasiwa at pagmamantine ng buong CLLEX. Ang 23-kilometrong second segment naman ang maguugnay sa Cabanatuan City sa San Jose sa Nueva Ecija.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinaya ni Yabut sa P23 bilyon ang halaga ng Segment 2 ng CLLEX.

Inaasahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matatapos ang Segment 1 sa 2017. - Kris Bayos