Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA
SA larangan ng sining, may kanya-kanyang pamamaraan at talento ang mga artist sa pagguhit at paglikha ng art works, para akitin ang mahihilig sa mga nililikha nilang imahe.
Karamihan sa artists ay gamit ang canvas, paint, pencil, oil o charcoal, pero ang Igorot na si Jordan Mang-osan ay kakaiba ang paglikha sa kanyang mga obra-maestra, sa pamamagitan ng sikat ng araw.
Si Mang-osan ay itinuturing na nag-iisang professional solar painter sa bansa. Gamit ang magnifying glass para makuha at mapatalim ang sinag ng araw na unti-unting susunog ng disenyo sa plywood na canvas.
Si Mang-osan ay tubong Bontoc, Mountain Province at naninirahan ngayon sa Barangay Bayabas, La Trinidad, Benguet. Sa kanyang taglay na talento, lumilikha siya ng mga obra na gaya ng landscape, people, scenery, na ang inspirasyon ay ang mayamang kultura at tradisyon ng Cordillera.
“Elementary pa lamang ako ay mahilig na ako sa drawing, katunayan ay nagkaroon ako ng award dito. Mula noon nakahiligan ko na ito, hanggang sa matuto ako ng iba’t ibang art work,” kuwento ni Mang-osan nang kapanayamin ng BALITA.
Ayon kay Mang-osan, hindi niya nagawang tapusin ang kanyang pag-aaral at sa edad na 19 ay nagsimula siyang gumala at sumama-sama sa ibang artists, hanggang sa makilala niya ang kanyang mentor, ang kilalang dating solar artist na si Santi Bose noong 1980’s at siya ay tinuruan ng solar painting.
“Darating ang panahon hindi na lang ako ang nag-iisang solar painter, dahil itinuturo ko na ito sa iba’t ibang workshop dito sa Luzon hanggang sa Visayas at Mindanao.
Sa kasalukuyan, si Mang-osan ay may art exhibit sa Tam-awan Village, at may mahigit sa 70 frame works na naka-display mula sa kanyang masterpiece na gawa sa sculpture, solar drawing, pyrography, woodcut, rubber cut at sketches.
Aniya, sa solar drawing ay napakatipid ng kagamitan na gaya lamang ng magnifying glass at plywood. Iguguhit muna ang subject bago ito susunugin sa araw. “Yong iba ang gusto ay may kulay, kaya dito lang gagamitan ng mga paint at iyong iba naman ay gusto natural, kaya varnish lamang ang pangkulay,” wika pa ni Mang-osan.
Isa rin si Mang-osan sa mga artist ng Cordillera na bumubuo ng Chanum Foundation at nagtayo ng Tam-awan Village noong 1996, na ang misyon ay palakasin ang samahan ng mga artist at kilalanin ang kani-kanilang talento upang maibahagi ito sa kabataan. Layunin din ng Tam-awan Village ang pagsuporta sa turismo sa siyudad ng Baguio. Si Mang-osan ang kasalukuyang presidente ng foundation.