Nakakuha ng masugid na taga-suporta ang National Masters and Seniors Athletics Association of the Philippines na matagumpay na nag-uwi ng 3 ginto, 2 pilak at 5 tansong medalya sa paglahok nito sa 18th Asian Masters Athletics Championships na ginanap sa Kitakami City, Iwate Prefecture sa Japan.

Ito ay matapos na mangako ang may-ari ng Refreshment Republic Incorporated na si Wilson D. Go na buong puso nitong susuportahan ang susunod na paglahok ng NMSAAP sa iba’t ibang internasyonal na torneo kung saan susunod nitong lalahukan ang World Championships sa France.

“We are so proud that our national athletes choose us to be their sponsors. We feel so very grateful that we were also able to help our athletes with our new product,” sabi ni Go, na may-ari rin ng isang kompanya sa aluminum at glass bago pumasok sa matagal na nitong ambisyon na makapagtayo ng isang produkto sa refreshment.

Binigyan din ni Go ng gantimpala na P15,000 para sa ginto, P10,000 para sa pilak at P5,000 para sa tanso ang mga nagwaging miyembro ng NMSAAP na binubuo naman ng mga dating atleta sa pambansang koponan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabuuang 19 na atleta kasama ang dalawang opisyales naman ang nagrepresenta sa Team Philippine Masters sa Asian Masters na ginanap noong Setyembre 19 hanggang 23 kung saan nagawang makapag-uwi ng delegasyon ng 3 ginto, 2 pilak at 5 tanso para sa kabuuang 10 medalya.

Sinimulan ni Margarito Baniqued, na dating miyembro ng Project: Gintong Alay ang kampanya ng bansa sa pagwagi ng tanso sa 5,000 M Walk (M50-54). Humugot din si Erlinda Lavandia ng tanso sa Hammer Throw (W60-64) sa itinala nito na 21.27 metro.

Aminado si Lavandia na ito ang kanyang kauna-unahang pagtatangka sa kanyang 40 taong paglahok sa isang event na hindi siya nakapaghanda dahil sa kawalang kasiguraduhan kung makakalahok ang delegasyon.

Nagawa pa ni Lavandia na magwagi ng pilak sa Shot Put at Discus Throw events sa W60-64 age category. Nagawa pa niya itong sundan sa sumunod na araw matapos talunin si Matsuoka Kanako at Kobo Tomiko ng Japan sa Javelin Throw sa pagwawagi ng gintong medalya sa pagprotekta sa kanyang rekord na itinala noong 2012.

Iniuwi naman ni John Lozada ang tanso sa 800M race sa M40-44 bago ito sinundan ng golden performance mula kay Emerson Obiena sa itinala nitong 4.00 metrong naabot sa Pole Vault event para sa M45-49.

Pinilit naman ng multi-event specialist na si Elma Muros-Posadas na makapagdagdag sa overall showing ng Team Philippine Masters tulad sa nakaraang edisyon subalit ang kanyang paghahanda ay agad na napigilan matapos na muli itong magtamo ng injury sa kanyang paa upang umayaw sa long jump, 800m hurdles at 4 x 100 M relay.

Nagwagi naman sa pinakahuling araw ang koponan sa relay na binubuo nina Victorina Calma, Elenita Punelas, Salve Bayaban at Jeanette Obiena sa itinalang 58 minuto at 56 segundo para sa tanso sa 4 x 100 MR (W40-44). Sinundan pa ito ng tanso mula sa itinala na 4 minuto at 6.58 segundo sa 4x400 MR (M40-44) nina Julio Bayaban, John Lozada, Edward Kho at Emerson Obiena.

Kinumpleto ni Danilo Fresnido, na isang enlisted personnel at dating SEA Games gold medalist ang kampanya ng bansa sa paghagis sa spear sa layong 63.58 metro upang iuwi ang pinakahuling gintong medalya sa pagtatala din ng pinakabagong AMAC record sa Javelin Throw (M40-44).