Tinabunan ni Eric Shauwn Cray ang kanyang personal at itinalang national record sa 400m hurdles subalit hindi ito nagkasya upang makapagbigay ng anumang medalya para sa delegasyon ng athletics sa ginanap na 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Ito ay matapos magawang pumangalawa ni Cray sa Heat 1 ng Men’s 400m hurdles sa oras na 50.00 segundo upang magkuwalipika sa kampeonato ng katatapos lamang na kada apat na taong Asiad.

Ang oras na 50.00 segundo, na personal best ni Cray, ay tumabon sa una nitong itinalang 50.74 segundo sa kanyang paglahok noong Abril 4, 2013 sa Florida Relays sa Jackson, Florida na tumabon naman sa dating rekord ni Reynato Unso na itinala nito taong 1983.

Gayunman, hindi nito nabitbit ang nakakadismayang kampanya ng Pilipinas sa athletics kung saan nanatiling bokya sa medalya sa nakalipas na dalawang dekada matapos nitong iuwi ang huling medalya noon pang 1994 Asian Games sa Hiroshima, Japan na kinubra ni Elma Muros-Posadas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tanging konsuwelo ni Cray ay ang pagpapabilis sa kanyang personal best at national record sa 400-m hurdle event.

Ito ay dahil nabigo rin ang walong iba pa nitong kasamahan kabilang na si Marrestella Torres na agad napatalsik sa paborito nitong long jump event matapos ang tatlong sunod na foul attempt.

Umayaw naman sa laban si Jesson Ramil Cid sa men’s decathlon bago sunod-sunod na nabigo ang men’s 4 x 400-meter relay squad na binubuo nina Isidro del Prado Jr., Archand Christian Bagsit, Edgardo Alejan at Julius Nierras na makuwalipika sa final at sina Bagsit at Alejan sa 400-meter run.

Tumapos na panghuli si Christopher Ulboc Jr. sa men’s 3,000-meter steeplechase bago tuluyang nabokya matapos na mabigo si Henry Dagmil sa men’s long jump.

Nakapag-uwi na ang athletics sa pangkalahatan ng kabuuang 11 ginto, 10 pilak at 29 tanso sapul sumali sa kada apat na taong Asian Games kung saan ay pinakahuling nag-uwi ng medalya ay si long jumper Elma Muros na isang tanso noong 1994.

Ang kinikilalang Asia’s Sprint Queen na si Lydia de Vega-Mercado ang huling Pilipinong atleta na nakapagwagi ng gintong medalya matapos nitong dominahin ang centerpiece na century dash noong 1982 sa New Delhi at 1986 sa Seoul.